Pinangunahan ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Emerson Carlos ang paglulunsad sa isang bagong 20-seater commuter boat na bibiyahe sa Pasig River.

Ang bagong ferry boat na gawa sa fiberglass ay may bagong disenyo at maaari lamang magsakay ng hanggang 20 pasahero, kasama ang crew.

“Mas maliit ito kumpara sa ibang ferry na kayang magsakay ng hanggang 30 pasahero subalit mas maikli ang oras ng paghihintay ng mga sasakay,” pahayag ni Carlos.

Dahil dito, aabot na sa 16 ang ferry na bumibiyahe sa Pasig River—mula sa Pinagbuhatan sa Pasig City hanggang sa Plaza Mexico sa Maynila.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Samantala, nagtapos na rin ang panunungkulan ni Carlos bilang MMDA chairman kahapon, kasabay ng pagbaba sa puwesto ni Pangulong Benigno S. Aquino III.

Inilarawan ni Carlos ang kanyang huling araw sa ahensiya bilang “liberating” o mapagpalaya.

Pinangasiwaan ni Carlos ang ahensiya sa nakalipas na walong buwan, matapos magbitiw bilang MMDA chairman si Francis Tolentino upang kumandidatong senador subalit hindi pinalad na manalo sa halalan.

Nagsimula ang paninilbihan ni Carlos, isa ring abogado, sa ahensiya noong 2010 bilang consultant hanggang siya ay maitalaga bilang assistant manager for operations na kanyang hinawakan hanggang 2015. (Anna Liza Villas-Alavaren)