“Kung ayaw n’yong malintikan, dapat tawagin n’yo akong Congresswoman Geraldine Roman.”

Ito ang babala ni Roman, ang unang transgender woman na nahalal sa Kamara de Representantes, laban sa mga indibiduwal na magkakamaling tawagin siyang “Congressman.”

“Kakasuhan ko ang mga tatawag sa akin ng Congressman,” giit ng kinatawan ng Unang Distrito ng Bataan.

“I am legally and anatomically a female,” ayon sa bagitong mambabatas.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Ang 48-anyos na si Roman ay kabilang sa mga dumalo sa turn over ceremony para sa tansong estatwa ni Dr. Jose Rizal at orihinal na kopya ng 1935 Constitution sa Kamara de Representantes nitong Martes.

Sa panayam, nangako si Roman na pangangalagaan ang kapakanan ng sektor ng LGBT (lesbian, gay, bisexual, transgender) sa kanyang termino bilang kongresista.

Kabilang dito ang isyu ng same-sex union at pagsusulong sa Anti-Discrimination Act, na inakda ni Dinagat Islands Rep. Kaka Bag-ao.

Subalit aminado si Roman na maliit pa rin ang tsansang maipasa ang panukala sa same-sex marriage sa bansa.

“I’m just trying to be realistic here. If you want to pass same sex marriage, you have to more or less [test] the waters in Congress,” aniya.

Sa edad na 26, sumailalim si Roman sa sex reassignment surgery sa New York, USA, at pinalitan ang kanyang legal na kasarian bilang “her.”

Kasalukuyan siyang may relasyon sa isang Kastila subalit hindi pa sila nagpapakasal.

Ang kanyang ina na si dating Bataan Rep. Herminia Roman ay dating kinatawan ng Bataan. (ELLSON A. QUISMORIO)