Mas malaking pondo ang maasahan ng mga atletang Pinoy sa administrasyon ni Pangulong Duterte dahil na rin sa kasiguruhan na makukuha ng Philippine Sports Commission (PSC) ang limang porsiyento mula sa gross income ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor).

Ipinag-utos ng PSC Law (Republic Act 6847, 1990) ang pag-remit ng limang porsiyento sa kita ng Pagcor, ngunit tanging 2.5 porsiyento lamang ang naibibigay sa sports agency sa nakalipas na taon.

Ayon kay incoming PSC chairman William “Butch” Ramirez, ang pagnanais ng Pangulong Duterte na mailagay sa tama ang lahat ng aspeto sa pagpapatakbo ng pamahalaan, madali nang makukuha ang karapatan sa pondo ng Pagcor na ipinagkait sa mga atletang Pinoy sa mahabang panahon.

“Now that the president is my friend, the executive secretary is my friend, and Pagcor is my friend, I think the problem is with us. Kung sapat na ang pondo at failure pa rin kami, hindi kami dapat magpatuloy dito,” pahayag ni Ramirez.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Bahagi si Ramirez ng “inner circle” ni Duterte sa Davao City bilang sports development chief, kasama sina executive secretary Bong Go at itinalagang Pagcor CEO Andrea Domingo.

“Kung hindi natin makuha yung mga pondo sa nakalipas na taon, kahit magsimula na lang tayo ngayon. Simulan natin ang pagbabago na siyang nais ng Pangulong Duterte,” sambit ni Ramirez.

Ito ang ikalawang pagkakataon na manunungkulan sa PSC bilang chairman si Ramirez. Sa kanyang pamamalakad sa ahensiya noong 2005, nakuha ng Pilipinas ang kauna-unahang overall championship sa Southeast Asian Games.

“There is a big percentage that we are going to get it. First, we can talk to the executive secretary anytime, we can talk to Pagcor anytime because these are people who compose our campaign group during Duterte’s time,” sambit ni Ramirez.

“Everytime we complain about non-performance, we always say ‘yung hindi nareremit ng Pagcor. There is so much reason that Pagcor should remit that amount to the PSC,” aniya.

Opisyal na sisimulan ni Ramirez at ng apat pang commissioner na sina ramon “El Presidente” Fernandez, dating sports editor Charles Maxey, PSC Assistance chief Arnold Agustin at Dr. Celia Kiram, ang kanilang trabaho Huwebes ng tanghali matapos ang panunumpa ni Pangulong Duterte.

Nitong Martes, nagsagawa ng transition meeting sa pagitan ng grupo ni Ramirez at outgoing PSC Board, gayundin si Philippine Olympic Committee (POC) president Jose ”Peping” Cojuangco. (Angie Oredo)