BAWAT taon, nasa 6.5 milyong pagkamatay sa mundo ang iniuugnay sa polusyon sa hangin, at malaki ang posibilidad na lumaki pa ang bilang na ito sa mga susunod na dekada hanggang hindi kumikilos ang sektor ng enerhiya upang bawasan ang emissions.

Ito ang malinaw na babala ng International Energy Agency (IEA).

Sa unang ulat ng ahensiya, na nakabase sa Paris, tungkol sa usapin, sinabi ng IEA na ang polusyon sa hangin ang ikaapat na pinakamalaking banta sa kalusugan ng tao, kasunod ng alta-presyon, maling diyeta, at paninigarilyo.

“Without changes to the way that the world produces and uses energy, the ruinous toll from air pollution on human life is set to rise,” nakasaad sa ulat.

Malaking bahagi ng polusyon sa hangin sa labas ay nagmumula sa mga planta ng kuryente, pabrika, at sasakyan, habang ang polusyon sa loob ng bahay ay nagmumula sa maruming kalan, partikular na sa mahihirap na bansa.

Nasa tatlong milyon ng maagang pagkamatay ang iniuugnay sa polusyon sa hangin sa labas, habang 3.5 milyong maagang pagkamatay naman ang sinisisi sa pagkakalanghap ng usok mula sa kalan sa loob ng bahay, ayon pa sa report.

Ang huling bilang ay inaasahang bababa sa tatlong milyon pagsapit ng 2040 dahil tuluy-tuloy na natitiyak ang access sa kalan na hindi naglalabas ng mapanganib na usok sa mahihirap na bansa, ayon sa IEA. Ngunit tinaya ng ahensiya na lolobo sa 4.5 milyon, ang malaking bahagi ay sa Asya, ang dami ng pagkamatay sa mundo na iuugnay sa kalidad ng hangin sa labas. Ito ay dahil ang paglaki ng pangangailangan sa enerhiya ay nagbubunsod ng mas mataas na emissions.

“Air pollution in many of the region’s growing cities continues to be a major public health hazard and, indeed, to affect a larger share of an increasingly urban population,” anang report.

Tinaya noong nakaraang buwan ng World Health Organization (WHO) na noong 2012, nasa tatlong milyon ng maagang pagkamatay ang iniugnay sa polusyon ng hangin sa labas, at nasa 4.6 milyon naman ang sinisi sa polusyon sa loob ng bahay.

Malinaw na mas maliit ang taya ng IEA kumpara sa WHO.

Gayunman, sinabi ng IEA na maaaring matamo ang pagpapaibayo sa kalusugan sa pitong porsiyentong pagtaas sa kabuuan ng pamumuhunan sa enerhiya hanggang sa 2040. Mangangailangan ito ng karagdagang bawas sa polusyon sa loob ng bahay, mas istriktong fuel standards para sa mga kotse at truck, pagpapahusay sa kasapatan ng kuryente, at pagpupursige na baguhin ang pinagmumulan ng enerhiya mula sa nagbubunsod ng polusyon, gaya ng uling, patungo sa renewable energy sources.

Ayon sa ulat, ang produksiyon ng enerhiya ang pinakamalaking pinanggagalingan ng polusyon sa hangin na gawa ng tao, nasa 85 porsiyento ng particulate matter at halos lahat ng sulfur oxides at nitrogen oxides.

Ang produksiyon ng enerhiya ay isa ring pangunahing pinanggagalingan ng carbon dioxide emissions na iniuugnay naman sa global warming. (Associated Press)