SA araw na ito, Hunyo 30, anim na taon na ang nakalipas, dumating sa Malacanang ang bagong halal na presidente na si Benigno Simeon Aquino III, at sinalubong siya ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. Mula sa Malacanang, magkasamang nagtungo ang dalawa sa Independence Grandstand sa Rizal Park. Umalis si Pangulong Arroyo sakay sa sarili niyang sasakyan habang dumiretso naman si Pangulong Aquino sa entablado upang manumpa sa tungkulin bilang ika-15 Pangulo ng bansa.
Ngayon, Hunyo 30, magtutungo naman sa Malacanang ang bago nating pinuno, si Pangulong Rodrigo Roa Duterte, para sa tradisyunal na pakikiharap sa presidenteng pababa sa puwesto sa simbolikong pagpapakita ng pagkakaisa sa payapang pagsasalin ng kapangyarihan ng gobyerno.
Hindi tulad ng mga nakaraang panunumpa sa tungkulin ng Hunyo 30 para sa bagong pangulo, walang enggrandeng seremonya sa Independence Grandstand. Manunumpa si Duterte bilang ika-16 na Pangulo ng Republika ng Pilipinas sa Rizal Hall ng Malacanang, at pagkatapos ay ilalahad ang kanyang inaugural speech sa harap ng nasa 600 opisyal at mga bisita.
Sa pagsuway na ito sa tradisyon, sisimulan ni Pangulong Duterte ang isang administrasyon na nangangako ng malalaking pagbabago sa pamumuno at sa buhay ng mamamayan. Ang ideyang ito ng pagbabago ang naging dahilan ng pamamayagpag sa kampanya ng alkalde ng Davao City na agad na sinuportahan ng isang partido, ang PDP-Laban, na nakiisa sa kanyang mga hangarin, at ng mamamayan na matagal nang umaasam ng pagbabago.
Ang seremonya ngayong araw ang unang pagpapatunay ng malaking pagbabago na inaasahan na natin sa mga susunod na linggo, buwan at taon. Malalaking pagbabago ang inaasahan sa mga operasyon ng pulisya laban sa krimen, partikular na sa ilegal na droga; sa pagsisikap na maghatid ng kapayapaan sa mga bahagi ng bansa na matagal nang may banta ng rebelyon at karahasan; sa ating ugnayan sa ibang mga bansa kaugnay ng pag-aagawan sa teritoryo na banta sa kapayapaang tinatamasa sa rehiyon; sa paghahanap ng solusyon sa matagal nang pinoproblemang kahirapan, kawalan ng trabaho, pagsisikip ng trapiko, kawalan ng sapat na serbisyong pangkalusugan, kakulangan sa mga silid-aralan, sa pangangailangan sa kuryente para sa mga industriya, at mas malawak na suporta sa agrikultura.
Magkakaroon ng mga pagbabago sa pangunahing kalakaran sa paamumuno, mula sa pinakamababang antas hanggang sa pinakamataas. Minsan nang sinabi ni Duterte na nais niyang tawagin siyang “mayor of the Philippines”—isang personal na mangangasiwa sa mga pangangailangan ng bansa at sa pagresolba sa mga suliranin nito. Inaasahan niyang ganito rin ang gagawin ng iba pang mga opisyal.
Ngunit ang lahat ng pagsisikap na ito para sa pagbabago ay hindi tamang iasang lahat kay Pangulong Duterte at sa iba pang mga opisyal ng susunod na administrasyon. Marapat na maging bahagi rin ang mamamayan sa mga pagbabago. Matagal na tayong walang pakialam at mistulang tinatangay na lang ng agos sa mga katiwalian sa gobyerno dahil sa kawalan ng pakialam, at minsan pa, dahil may pansarili tayong mga inaasahan. Dapat na maging mas mapagmatyag tayo ngayon, mas sensitibo, mas handang pumuna kung sa palagay natin ay may hindi tamang ginagawa ang pamahalaan, at kung may pagkakamali sa lipunan. Kasabay nito, dapat na handa tayong suportahan ang mga kinakailangang reporma, magsikap na resolbahin ang mga dati nang problema, at isulong ang mga programang tunay na pakikinabangan ng buong bansa.
Ngayon magsisimula ang bagong administrasyon, isang senyales ng malaking pagbabago sa pamumuhay sa ating bansa, at dapat tayong manindigan upang maging bahagi nito.