Gilas Pilipinas, nakaiwas sa disgrasya sa Istanbul.
Mula sa ngitngit ng mga tagahanga sa kinalabasan ng Gilas final 12, mensahe ng pasasalamat at panalangin ang bumuhos sa social media kahapon bunsod nang pagkakaiwas ng Philippine National team sa posibleng disgrasya sa naganap na terorismo sa Istanbul International Airport.
Wala pang 24 na oras ang pagitan sa pagdating ng Gilas sa Manila sa ganap na 7:00 ng gabi nitong Martes sa naganap na pagsabog sa Istanbul airport bunsod ng tatlong suicide-bomber sa ganap na 10:00 ng gabi (oras sa Istanbul).
Sa inisyal na report ng CNN, may kabuuang 36 na katao ang namatay at mahigit 200 ang sugatan sa naturang insidente.
Galing ang Gilas Pilipinas sa Turkey kung saan naglaro sila sa pocket tournament bilang bahagi ng dalawang linggong pagsasanay para sa gaganaping Manila Olympic Qualifying Tournament sa Hulyo 5-12.
“Grabe dito lang kami kanina pauwi ng manila wala pang 5hours bago nanyari to. LORD SALAMAT SA PAG GABAY MO SA AMIN NG TEAM GILAS,” pahayag ni Marc Pingris sa kanyang Instagram account jeanmarc15 kalakip ang hashtag #prayforturkey #istanbul.
“This. We were just there a day before this happened. It’s so surreal... Praying for the victims.
#Istanbul#PrayForIstanbul,” sambit ni Jeff Chan sa kanyang IG account jeffreichan.
Lubos din ang pasasalamat ng iba pang miyembro ng Gilas tulad nina naturalized player Andray Blatche at shooting guard Terrence Romeo.
“Thank you Lord sa safe fligh @tbvromeo,” sambit ni Romeo.
“Me and my teammates was jus there wow thank you God for watching over us I’m really lost for words I woke up to a lot of texts from friends checking on me I’m ok thanx love ya!,” mensahe ni Blatche sa kanyang IG account draylive.
Kasama ng Gilas sa Europe Tour ang sports reporter ng TV5 na si Carlo Pamintuan na nagkuwento na masaya ang buong delegasyon sa paglilibot sa Istanbul airport habang hinihintay ang kanilang flight.
“Wtf. We were with Gilas there not even 24 hours ago.” Mensahe niya sa kanyang Twitter account @carlo_pamintuan.
“Oh man. I don’t know what to feel. We were literally inside that store yesterday,” aniya, patungkol sa ilang tindahan na nawasak sa TV footage ng CNN.
Hindi kasama ng Gilas si deputy coach Josh Reyes sa pag-uwi sa Manila dahil nagtungo pa ito sa France para panoorin ang ensayo ng France na pangungunahan ni NBA star Tony Parker. Nakatakda siyang bumalik sa Pilipinas sa Miyerkules ng gabi via Istanbul.
“To think that Gilas took a llt in that very airport barely 24 hrs ago, &@josh_reyes who’s scouting France, is set to fly home fr there too,” mensahe ni dating Gilas coach at Media5 president Chot Reyes sa kanyang Twitter account @coachot.
Nakikisa ang Pinoy sa panalangin para sa mga biktima ng naturang insidente.
“Thank you lord for our (Gilas) safe passage out of Istanbul. I’m saddened by what just happened at the Istanbul airport,” @BAAntonio mensahe ni Gilas team manager Butch Antonio. (Edwin G. Rollon)