Ipinagkaloob ng Department of Health (DoH) ang Manuel L. Quezon Award kay Albay Gov. Joey Salceda dahil sa matatagumpay niyang programang pangkalusugan at sa “ibinuhos niyang panahon at pagsusumikap para sugpuin ang tuberculosis sa bansa.”
Tanging si Salceda lamang sa Luzon ang nakatanggap ng prestihiyosong parangal, na ipinangalan kay dating Pangulong Manuel L. Quezon, na pumanaw dahil sa TB noong World War II.
Ayon kay Salceda, tatlong mahahalagang sangkap ang kinailangan niya upang anihin ang naturang parangal: todong pagsisikap ng pamayanan; determinasyon ng health professionals mula sa barangay hanggang sa provincial health officers at DoH; at suporta mula sa foreign aid agencies, gaya ng World Health Organization.
Dati nang kinilala at binigyang-parangal ng DoH ang lalawigan bilang kauna-unahang probinsiya sa bansa na nakatamo ng PhilHealth universal coverage, at sa saklaw nitong pangkalusugang estratehiya tulad sa larangan ng “maternal health, family planning, prevention of sexually transmitted infection and HIV”, at iba pa.
Apat pang health officials ang tumanggap ng Kalusugan Award, sa pangunguna ni Albay Provincial Health Officer Nathaniel B. Rempillo, na nasa likod din ng premyadong Team Albay, isang emergency response team, at kasama niya sina Dr. Antonio Ludovice, Gay Gloria Bracia at Gilda Moyo. (Clarise Cabrera)