SA pagsisimula ng panunungkulan ni General Ronald “Bato” Dela Rosa bilang Director General ng Philippine National Police (PNP), walang kagatul-gatol niyang ipinahayag ang malawakang pagbalasa sa naturang organisasyon ng pulisya; at papalitan ang mga regional director sa buong bansa. Ibig sabihin, ipatutupad niya ito kahit na masagasaan ang mismong mga mistah niya sa Philippine Military Academy (PMA). Kabilang na marahil ang mga opisyal na nakatataas sa kanya.

Bagamat ang paninindigan ni Dela Rosa ay nakaangkla sa mga marching order ni President Rodrigo Duterte, maliwanag ang kanyang misyon: “Linisin” sa mga katiwalian ang PNP na sinasabing pinamumugaran ng ilang kriminal, mangungulimbat at kasangkot sa carnapping at sa mga ipinagbabawal na gamot. Pinatunayan ito ng mga nakadidismayang ulat nitong mga nakaraang araw na lalong nalantad dahil sa matitinding pahayag ni Duterte hinggil sa paglipol sa mga kriminal, lalo na sa mga sugapa at mga nagbebenta ng droga.

Ngayon pa lamang ay tiniyak na ng bagong PNP Chief na ipatatapon niya sa Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM) ang mga pulis na nagbibigay ng masamang imahen sa naturang organisasyon. Marahil ay higit na angkop ang mga kakayahan ng mga ito sa pagsugpo ng nakakikilabot na pagdukot ng mga Abu Sayyaf Group (ASG). Dapat lamang tiyakin ng bagong pamunuan ng PNP na ang mga pulis na ipatatapon sa Mindanao ay hindi makikipagsabuwatan sa mga bandidong ASG; baka sila ay makihati pa sa milyun-milyong pisong ransom money ng mga kidnap victim. Hindi kaya magmistulang mga bagong na itinapon sa dagat?

Isa pang makatuturang bahagi ng PNP revamp ang pagtatalaga ng mga hepe ng pulisya sa mga mayor at gobernador. Bagamat kailangan pang susugan ang batas na umiiral kaugnay ng nabanggit na patakaran, talagang dapat masunod ang PNP chief, lalo na ang Pangulo, sa pagtatalaga ng nabanggit na police officers. Batbat ng katiwalian ang ganitong sistema sapagkat ang mabuting relasyon ng police chief at local executive ay nagiging dahilan ng pamamayani ng kinatatakutang private army. Ang naturang mga hepe, pati ang kanilang mga tauhan, ay sunud-sunuran sa kumpas ng nasabing mga alkalde at gobernador.

Talagang walang dapat paligtasin sa ibubunsod na pagbalasa na naglalayong matiyak matuldukan ang kriminalidad na pinalulubha ng talamak na paggamit at pagbebenta ng mga droga na ipinamamahagi naman ng mga drug lords. (Celo Lagmay)