MAY partisipasyon ang ilang entertainment performers sa magkahiwalay na inagurasyon ngayong ni President-elect Rodrigo Duterte at ni Vice President-elect Leni Robredo.
As of press time, si Freddie Aguilar ang sinasabing kakanta ng Lupang Hinirang sa panunumpa ni Duterte sa simpleng salu-salo na dadaluhan ng humigit kumulang 500 bisita na gaganapin sa Rizal Ceremonial Hall sa Palasyo ng Malacañang na mag-uumpisa ng alas-dose ng tanghali.
Makakasama ni Freddie si Jimmy Bondoc sa isang pagtatanghal pagkatapos ng seremonya.
Samantala, ang Payatas Children’s Choir naman ang kakanta ng Pambansang Awit sa inagurasyon ni Leni sa Quezon City Reception House (tinaguriang Boracay mansion noon).
Magkakaroon ng after party ang bagong bise president sa Quezon City Memorial Circle na pangungunahan ng Moonstar 88, Grace Note, The Mass Appeal Choir, nina Bituin Escalante, Agot Isidro, Bayag Barrios, Rock of Ageis cast, Tanghalang Pilipino, Darren Espanto, Baihana, Sam Concepcion, Tippy Dos Santos, Timmy Pavino, Enchong Dee, Aicelle Santos, Jamie Rivera, Kyla, The Company, Noel Cabangon at marami pang iba.
Bukod sa PTV4 at Radio-TV Malacañang (RTVM), siyam na broadcasting media companies ang pinayagan ni Duterte upang mag-cover ng inagurasyon sa Palasyo; mayroon ding nakahandang livestream ang Rappler para sa idadaos na okasyon.
Nag-alok din ang Facebook Asia ng livestream coverage sa Facebook para mapanood din ng ating mga kababayang Pilipino sa ibang bansa o overseas Filipino workers (OFW) ang kaabang-abang na inagurasyon.
May coverage din ang lahat ng media outfits sa panunumpa ni Leni at may special live coverage sa kanya ang CNN Philippines simula alas sais ng umaga hanggang alas dos ng hapon. (Clarise Cabrera)