IPINASILIP ng Kapamilya Network ang mga bagong aabangang palabas sa ABS-CBN trade event na pinamagatang “Gabi ng Pangarap” nitong Lunes, June 27 sa SMX Convention Center.
Patuloy na patutunayan ng ABS-CBN ang titulo nito bilang “Reality and Game Show Capital of the Philippines” sa paparating na reality at game shows na siguradong kasasabikan ng mga manonood, isa na sa mga ito ang ikapitong season ng Pinoy Big Brother na magbubukas sa Hulyo. Magbabalik din ang Minute To Win It na laging nagpapakaba at nagpapa-excite sa televiewers.
Hindi magpahuhuli ang international reality talent search na bubuo sa pinakasikat na boy band sa bansa, ang Pinoy Boyband Superstar na ang magsisilbing hurado ay sina Yeng Constantino, Vice Ganda, at K-Pop superstar na si Sandara Park.
Bukod sa bagong aabangang reality programs, naging bida rin ng gabi ang naghaharing talent search na The Voice Kids sa pagpapakitang gilas sa kantahan ng coaches na sina Sharon Cuneta at Bamboo.
Bumirit naman sina Angeline Quinto, Klarisse de Guzman, at Morissette na tinapatan ng ASAP Soul Sessionistas na kinabibilangan nina Kyla, KZ Tandingan, Daryl Ong at Jason Dy.
Bukod sa kantahan, namayani rin ang kilig sa pagsasama-sama ng mga pinakasikat na Kapamilya love teams sa pangunguna nina James Reid at Nadine Lustre na magbabalik-telebisyon sa kiligseryeng Till I Met You.
Nahalina rin sa mga bida ng Dolce Amore na sina Enrique Gil at Liza Soberano ang mga manonood sa kanilang nakaaaliw na song number at sa paglabas nina Elmo Magalona at Janella Salvador na namamayagpag na rin sa pinakabagong seryeng Born for You.
Pinasaya rin ang audience ng cast ng Ang Probinsyano, ang numero unong primetime serye sa bansa dahil nag-showdown sina Simon “Onyok” Pineda, McNeal “Awra” Briguela, Pepe Herrera, at Coco Martin sa pagkanta ng hit novelty songs na May Tatlong Bibe at Totoy Bibo.
Ipinakita rin sa trade event ang ilan sa drama series na aantig sa puso ng mga manonood gaya ng The Greatest Love na pagbibidahan ni Sylvia Sanchez at ang Langit Lupa na pangugunahan naman ng mga batang sina Xia Vigor at Yesha Camile.
Bukod sa naglalakihang artista, nakipaglaro rin ang advertisers at may nanalo ng cash prizes. Nagkaroon din ng meet-and-greet ang nangugunang Kapamilya love teams sa advertisers bilang pasasalamat sa kanilang mainit na suporta.
Nagsilbing host ng show ang momshies at hosts ng morning talk show na Magandang Buhay na sina Karla Estrada, Melai Cantiveros, at Jolina Magdangal.