Suportado ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Emerson Carlos ang pagkakaloob ng Kongreso ng emergency powers kay incoming President Rodrigo Duterte upang matugunan ang lumalalang trapiko at krisis sa transportasyon sa Metro Manila.
Sinabi ni Carlos malaki ang maitutulong ng emergency powers para mabigyan ng solusyon ang problema ng trapiko sa Metro Manila.
Aniya, hindi dapat na nakatuon lang ang emergency powers sa mga proyekto sa imprastruktura kundi gamitin din ito sa agarang pagresolba sa suliranin sa trapiko.
Isa sa nakikita ni Carlos na maaaring gawin ay ang “rationalization” ng batas na dapat meron lang iisang batas pagdating sa trapiko.
Sa ngayon may batas na ipinatutupad ang gobyerno, partikular ang MMDA, ngunit may iba ring batas na ipinaiiral ang mga local government unit (LGU) kaya nalilito ang ilang nahuhuling motorista.
Una nang inihayag ni incoming Department of Transportation and Communications (DoTC) Secretary Arthur Tugade na hihilingin ni Duterte sa Kongreso na pagkalooban ito ng emergency powers kontra krisis sa trapiko at transportasyon sa Metro Manila na lulutas sa nasabing problema. (Bella Gamotea)