BAMBAN, Tarlac - Hindi pa rin nawawala ang ilegal na operasyon ng mga kilabot na cocknapper, at isang katiwala sa JTF Farm sa Sitio KKK, Barangay Sto. Niño sa bayang ito ang umano’y nakipagsabwatan sa mga suspek kaya inaresto sa pagkawala ng 36 na sasabunging manok sa farm.
Inaresto sa naturang nakawan si Ariel Perez, 29, binata, tubong La Carlota City, Negros Occidental, at stay-in worker sa farm na pag-aari ni Justine Flores, 38, ng Bgy. Villa Teresa, Angeles City, Pampanga.
Sa pangunang pagsisiyasat ni Insp. Marvin Mara, deputy chief ng Bamban Police, nasa P252,000 ang halaga ng mga tinangay na sasabungin.
Ayon sa report, dakong 1:00 ng umaga nitong Lunes at nagpapatrulya si Rommel Cafugauan, 44, security guard, nang napansin niya si Perez sa tabi ng bahay kubo na may kausap sa cell phone hanggang ilagay nito sa hawla ang 36 na sasabungin at dinala sa harap ng gate ng JTF, na tinangay naman ng mga kawatan.
Nang suriin ng mga awtoridad ang cell phone ni Perez ay nakita roon ang isang text message na pinaniniwalaang mula sa mga suspek at nakasaad: “Pare andito na kami sa harap ng farm. ‘Pag nabayaran na ang mga panabong, ‘yung para sa ‘yo, padala ko na lang.” (Leandro Alborote)