ISANG tulog na lamang at pormal nang lilisanin ni Pangulong Benigno Aquino III (PNoy) ang Palasyo sa Malacañang upang magbigay-daan sa bagong administrasyon, nguni’t pakiwari ko’y hindi pa rin niya napapansin at nararamdaman ang malalim na tampo, kundi man nakatagong galit, ng mga taong nagsilbi sa kanya ng buong katapatan na nabalewala dahil sa kakulangan niya ng wastong kaalaman sa paghawak at pag-validate ng mga “INTELLIGENCE INFORMATION” na dapat sana’y nakatulong ng malaki sa kanyang pang-araw-araw na desisyon.

Ayon sa ilang mga tao na matagal ko na ring nakakasama sa mga lakaran at huntahan, ang katigasan ng ulo ni Noynoy at sobrang pagtitiwala nito sa nakapaligid sa kanyang mga opisyal na bumulag at nagsamantala sa kakulangan niya sa kaalaman sa “PSYWAR OPERATIONS” ang naging dahilan ng mga palpak niyang desisyon sa administrasyon.

Ang mga taong tinutukoy ko ay wala sa mga matataas na posisyon pero sila ang halos araw-araw na kasa-kasama ni PNoy, kausap niya at karinigan na halos abot-tenga, kasamang manigarilyo, gumagawa at naghahanda ng mga personal na pangangailangan niya – sa madaling salita, ito ang grupo ng mga dakilang alalay ni Noynoy na karamihan sa kanila ay buong katapatan ding nagsilbi sa kanyang yumaong ina na si Cory C. Aquino (Tita Cory) noong ito ay Pangulo rin ng ating bansa.

Minana niya ang mga taong ito kay Tita Cory dahil sa kanilang katapatan sa pagsisilbi sa pamilya Aquino kaya’t sila ay tiwalang magsalita at magsumbong ng mga impormasyong “FOR NOYNOY’S EARS ONLY” – upang maging basehan nito sa pag-counter sa mga positibong impormasyong bigay ng mga “RAH-RAH BOYS” ng administrasyon.

Dito pumapasok ang problema – mismong si Noynoy ang sumusunog sa mga dakilang alalay niya na pinanggalingan ng mga impormasyong kadalasan ay taliwas sa mga ibinibigay ng magagaling niyang opisyales. Resulta, ang mga dakilang alalay ay palihim na inusig ng mga opisyal, at ang pinakamasama, ay nagkakaroon bigla ng “DEROGATORY INFORMATION” ang mga ito na nagtutulak naman kay Noynoy para sila’y parusahan.

Mga parusang hindi inaasahang maipapataw sa isang taong nagsilbi ng buong katapatan at nagsabi lamang ng katotohanan kahit na negatibo para sa kapakanan ng pamunuan ni Noynoy.

Ang ilan sa kanila, nang makaramdam ng init, nanahimik. Itinuloy ang pagsisilbi kay Noynoy, alang-alang umano sa minamahal nilang si Tita Cory, na nagbilin na ‘wag nilang iiwan si Noynoy.

Contact: Globe: 09369953459/Smart: 09195586950/Sun: 09330465012 o ‘di kaya’y mag-email sa: [email protected]

(Dave M. Veridiano, E.E.)