Sa kabiguan at tagumpay, kasama ng atletang Pinoy si Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ang mensahe ni Pangulong Duterte na ipinarating ni incoming Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William “Butch” Ramirez kasabay ng pangako na makukuha ng mga atletang Pinoy ang karampatang suporta para makamit ang hinahangad na sports excellence.

Bilang patunay, kinumpirma ni Ramirez ang pagdalo ni Duterte sa FIBA Olympic Qualifying Tournament sa Hulyo 5 kung saan target ng Gilas Pilipinas na makahirit ng upuan para sa Rio Olympics na nakatakda sa Agosto 5-21.

“The President is coming to the Fiba qualifying, “ pahayag ni Ramirez, sa pagbisita sa PSA Forum kahapon.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“You are going to see him there,” aniya.

Kasama ni Ramirez na humarap sa media ang mga napiling commissioner na sina basketball legend Ramon “El Presidente” Fernandez, pencat silat president Celia Kiram, dating sports editor na si Charles Maxey, at kasalukuyang PSC Administration head Arnold Agustin.

Matatandaang personal na inimbitahan ni Samahang Basketball ng Pilipinas (SBP) president Manny V. Pangilinan si Duterte sa OQT kung saan makikipaglaban ang Gilas para sa Rio Olympic slot kontra sa France, Canada, New Zealand, Turkey at Senegal.

Huling nakatikim ng Olympics ang Pinoy cagers noong 1968 Games sa Mexico City.

“Mahalaga kay Pangulong Duterte ang sports. Kaya naman nais niyang masiguro na nasa maayos na kalagayan ng ating mga atleta,” sambit ni Ramirez.

Iginiit ni Ramirez na nais din ng Pangulo na makadaupang-palad ang mga atletang Pinoy, higit iyong mga naghahanda sa Rio Olympics para personal silang makausap at masuportahan.

“Naka programa na rin yung pakikipag-usap niya sa ating mga Olympian. We’re coordinating with the POC, so we can arranged a meeting,” sambit ni Ramirez.

Isasaayos na rin umano ng PSC Board ang mga detalye para maipresinta kay Duterte ang hosting ng 2019 Southeast Asian Games.

“I believed may target date para sa submission ng intention at confirmation from the host country,” aniya.

(Edwin G. Rollon)