Limang katao ang naaresto nang salakayin ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang pinaghihinalaang drug den sa Ligao, Albay.

Kinilala ni PDEA Director General Arturo G. Cacdac Jr. ang umano’y maintainer ng drug den na si Alexander Quintan, alyas “Rocky”, 51, na kabilang sa mga naaresto sa anti-drug operation sa Purok 3, Barangay Tuburan, Ligao, Albay.

Dakong 2:50 ng hapon nitong Sabado nang salakayin ng PDEA Regional Office 5, sa pamumuno ni Jeoffrey Tacio, at ng Ligao City Police, ang bahay ni Quintan na pinamumugaran ng mga drug addict sa lugar.

Nagsagawa ng buy-bust operation ang mga ahente ng PDEA at nakasamsam ang mga ito ng 16 na sachet ng shabu na tumitimbang ng 52 gramo at nagkakahalaga ng P260,000.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Kinilala ni Cacdac ang apat na iba pang naaresto na sina Carlos Mustera, 50; Erwin Reonal, 37; Rene Racadag, 21; at Charlou Milo, 27, na pawang nasa loob ng drug den nang sumalakay ang awtoridad.

Ayon sa PDEA, aabot 30 kostumer ang nagtutungo sa naturang lugar upang umiskor at bumatak ng shabu. Tinatayang nasa P6,000 ang kinikita ng drug den kada araw. (Francis T. Wakefield)