Magiging matagumpay ang pagdaraos ng Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa Oktubre ng taong ito kahit pa hindi tumulong ang tatlong komisyuner ng Commission on Elections (Comelec).
Ito ang tugon ni Comelec Chairman Andres Bautista sa pahayag ni Commissioner Rowena Guanzon, na siya, kasama sina Commissioners Christian Robert Lim at Luie Tito Guia, ay walang balak makilahok sa preparasyon para sa barangay elections.
Ayon kay Bautista, katuwang ang iba pang komisyuner at ang lahat ng kawani ng Comelec, ay titiyakin nilang magiging matagumpay ang barangay elections.
Sinabi rin niyang “unprofessional” ang naturang plano ng tatlong komisyuner, at aalamin niya ang isyung ito mula kina Guia at Lim.
“Sa aking palagay, hindi po professional ‘yung ganyang klaseng ginagawa,” ani Bautista.
Hindi rin naman makapaniwala si Bautista na maging si Guia ay nagsabing ayaw nitong lumahok sa nasabing halalan.
Sinabi ni Bautista na kilala niya si Guia bilang masipag na opisyal, propesyunal at maayos na ginagampanan ang tungkulin.
Sakali naman aniyang totoo nga ito ay itutuloy pa rin nila ang barangay elections.
“Pero kung ganyan talaga, wala naman pong problema. Kaya pa naming patakbuhin ang ating halalan,” sabi ni Bautista.
Nangako rin si Bautista na patuloy na tutuparin ang tungkulin niyang sinumpaan at magiging propesyunal sa kabila ng mga pag-atake sa kanya. (Mary Ann Santiago)