Umabot na sa 4,000 ang bilang ng mga drug pusher at addict na sumuko sa awtoridad sa Central Mindanao, ilang araw bago ang pormal na pag-upo sa puwesto ni incoming President Rodrigo Duterte sa Malacañang.

Sinabi ni Supt. Romeo Galgo, tagapagsalita ng Central Mindanao Police, ang Cotabato at South Cotabato ay may pinakamalaking bilang ng mga sumuko na umabot sa 2,490 at 1,342, ayon sa pagkakasunod.

“Ito ay kinabibilangan ng mga drug pusher at user. Ito ay malaking hakbang sa pagsugpo sa ilegal na droga,” pahayag ni Galgo.

Ipinaliwanag ng police official na ang malaking bawas sa mga nagtutulak at gumagamit ng ipinagbabawal na gamot ay may malaking epekto sa kriminalidad sa isang lugar.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Subalit sa halip na “pagsuko”, nais ni Galgo na ituring ito na “paglantad” ng mga drug personality.

Aniya, mas naaangkop ang salitang “pagsuko” sa mga personalidad na may nakabimbin na mandiyamento de aresto habang ang mga wala sa watch list o wanted list ay dapat itratong “lumantad” lamang.

Pinuri ni Galgo ang mga local commander sa Central Mindanao Police sa inisyatibo ng mga ito na hikayatin ang mga user at pusher na itigil na ang kanilang ilegal na gawain.

“There are several approaches. But this is more of the result of the good coordination between the police and the local chief executives down to the barangay level,” ani Galgo.

Sa kabila nito, nahaharap naman ang awtoridad sa pagtukoy kung saan ipapasa ang mga sumuko at lumantad na drug addict at pusher dahil siksikan na, aniya, ang mga drug rehabilitation center sa rehiyon. (AARON RECUENCO)