Kinastigo ni Director General Ricardo Marquez, outgoing Philippine National Police (PNP), ang apat na senior police official na inakusahang nakipagpulong sa staff ng talunang presidential candidate na si Mar Roxas sa isang hotel sa Cubao, Quezon City, sa kasagsagan ng campaign period.

“Sinulatan ko sila. I told them that they should have observed proper decorum as police officers at all times,” pahayag ni Marquez.

Hinihintay pa rin ni Marquez ang resulta ng imbestigasyon ng PNP Internal Affairs Service (IAS) at Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) hinggil sa nangyaring sikretong pagpupulong sa Novotel Hotel sa Quezon City, noong Abril 2.

Ikinadismaya ni Marquez ang pagkakadawit ng buong organisasyon sa kontrobersiya, partikular na sa isyu ng pamumulitika na mahigpit na ipinagbabawal sa mga kawani ng gobyerno.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“It also pains me because the police organization is being dragged,” aniya.

Ang apat na senior police official ay kinabibilangan nina Director Generoso Cerbo, Jr., kasalukuyang hepe ng Directorate for Intelligence; Chief Supt. Rainier Idio, director ng Cagayan Valley Regional Police; Chief Supt.

Ronald Santos, nakatalaga sa National Capital Region Police Office; at Chief Supt. Bernardo Diaz.

Ang apat ay pawang miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Class 1984.

Bukod sa apat na police general, namataan din ang ilan pang aktibo at retiradong opisyal ng PNP sa loob ng Novotel noong Abril 2.

Mismong si Chief Supt. Ronald “Bato” dela Rosa, incoming PNP chief, ang nakatanggap ng ulat hinggil sa pakikipagpulong ng apat na police general sa staff ni Roxas sa Novotel. (AARON RECUENCO)