Tatalakayin ng Supreme Court (SC) ngayong umaga ng Martes ang petisyon na humihiling na ipawalang-bisa ang desisyon ng Commission on Elections (Comelec) na nagpapahintulot sa mga partido politikal at mga kandidato sa halalan noong Mayo 9 na magsumite ng kanilang Statements of Contributions and Expenditures (SOCE) lagpas sa itinalagang deadline ng batas na Hunyo 8.

Ang petisyon ay inihain ng abogadong si Manuelito Luna, nominado para sa 1-Abilidad Pary-List, at ng retiradong sundalo na si Justino Padiernos, ng People’s Freedom Party.

Iginiit nila sa SC na labis na umabuso ang Comelec nang pahintulutan nito ang extension para sa submission ng SOCE hanggang sa Hunyo 30. Binanggit nila ang Republic Act 7166 partikular ang Section 14, na nakasaad na ang bawat kandidato at partido politikal ay kailangang magsumite ng SOCE sa loob ng 30 araw matapos ang eleksiyon.

Noong Hunyo 16, sa botong 4-3, inilipat ng Comelec sa Hunyo 30 ang dapat sana’y Hunyo 8 na deadline para sa paghahain ng SOCE. (Rey G. Panaligan)

Bretman Rock, ibinida ang Filipina Barbie Doll na likha ng Fil-Am artist