NGAYONG 2016, ang huling dalawang araw ng buwan ng Hunyo (29 at 30) ay magiging makahulugan, makasaysayan at natatangi sapagkat panahon ito ng pamamaalam ng mga opisyal na matatapos na ang panunungkulan.

Ang pamamaalam ay isa sa pinakamalungkot na bahagi ng paghihiwalay lalo na kung mahal natin ang magpapaalam. At sa kalungkutang hatid ng pamamaalam, hindi maiiwasang maluha ng nagpapaalam at ng mga maiiwan.

Ngunit kung kinaiinisan at kinasusuklaman naman ang namamaalam lalo na ang mga naging tulisan at mandarambong sa pondo ng bayan, mga pinunong sakim sa yaman at mariing hampas ng langit sa bayan, masasabi natin na: “ Salamat at mawawala na ang buwisit sa ating buhay at ang mga pahirap sa bayan.”

Kasunod ng pamamaalam ng mga matatapos na ang termino ay ang oath taking naman o panunumpa sa tungkulin ng mga nagwagi sa idinaos na May 9 elections, sa pangunguna nina President-elect Rodrigo Duterte at Vice President-elect Leni Robredo. Masasabing ito’y makasaysayan sapagkat ngayon lamang mangyayari na magkahiwalay ang kanilang oath taking ceremony. Isa nang tradisyon na magkasabay at magkasama lagi sa iisang venue ang panunumpa sa tungkulin ng bagong pangulo at pangalawang pangulo ng Pilipinas. Si incoming President Duterte ay sa Rizal Ceremonial Hall sa Malacañang manunumpa at si incoming Vice President Leni Robredo ay sa Boracay Mansion sa Quezon City. Hindi tuloy naiwasan na may mga magsabi at magtanong na ang hiwalay na oath taking ay bahagi kaya ng slogan ng papasok na rehimen na “change is coming”?

Batay sa plano at pahayag ng mga bagong tambolero ng papasok na rehimen, sa oath taking ceremony ay payak lamang ang inagurasyon ni President-elect Rodrigo Duterte. Nakasuot ng Barong Tagalog na tig-P6,500. Umaabot lamang sa 600 ang imbitado o inanyayahang dumalo. Walang maluhong pagkain matapos ang panunumpa. Pinuri naman ito ng mga Obispo ng Simbahan. May nagsabing napakagandang mensahe sa mamamayan ang pagiging simple ni President-elect Rodrigo Duterte.

Ang kanyang pagiging simple sa lahat ng bagay ay napakaganda ring ugali na dapat isabuhay ng mga Pilipino, kasabay ang pakiusap sa mga Pilipino na ipagdasal si Duterte at ang kanyang mga kasama sa pamamahala sa bansa upang ganap na maisagawa ang kani-kanilang tungkulin para sa isang tunay na pagbabago sa iniibig nating Pilipinas. (Clemen Bautista)