Posibleng tanghalin ang binabalak na sagupaan ni eight division world champion Manny Pacquiao at Amerikanong si Adrien Broner na highest-grossing pay-per-view (PPV) fight sa taong ito kung magdedesisyon ang Pambansang Kamao na magbalik aksiyon.

Habang hindi sineseryoso ni Top Rank Promotions CEO Bob Arum ang mga report na nakikipagtransaksiyon siya sa adviser ni Broner na si Al Haymon, napaulat na malaki ang tyansa na ang four division winner na dating alaga ni Floyd Mayweather Jr. ang makabasagan ng mukha ni Pacquiao sa Oktubre 2016.

Naunang ipinahayag ni Golden Boy Promotions (GBP) Senior Vice President Eric Gomez na naka-schedule magduwelo sina Pacquiao at Broner para sa comeback fight ng world boxing icon sa Oktubre.

“But I do have it under good authority that (Pacquiao) is fighting Broner in an October pay-per-view. So he’s going to be fighting a month after Canelo because he has September,” ani Gomez sa BoxingScene.com.

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?

Subalit, itinatwa naman ito ni Arum at ipinaliwanag na hindi tumatawag sa kanya ang GBP para sa posibleng Pacquiao fight.

“The fact is they never called us about a Pacquiao fight, which means they should stay away from who Pacquiao’s going to fight next or if he’s going to fight next. It wasn’t a situation where they said, ‘We didn’t go after Pacquiao to fight ‘Canelo’ because Pacquiao already has an opponent’ - that’s bullsh*t,” sagot ni Arum.

Aniya, hindi pa rin tiyak na magbabalik sa boksing ang kanyang superstar fighter makalipas ang isang buwan ng pagreretiro nito dahil hindi pa man nagsisimula ang tungkulin ni Pacquiao bilang bagong senador para sa ika-17 Kongreso ng Republika ng Pilipinas.

“I have no idea,” sabi ng 84 anyos na Hall of Fame promoter. “Manny has no idea. He just got sworn into the Senate and he has to see what his career looks like.”

Bagamat natanggalan si Broner ng kanyang World Boxing Association (WBA) welterweight title nang hindi makapasok sa weight limit, naikasa naman niya ang technical knockout win kay Ashley Theophane noong Abril. Ito ang ikalawang tagumpay niya simula nang talunin ni Shawn Porter noong nakaraang taon. (Gilbert Espeña)