HABANG nalalantad ang mga problema at pagkalito sa implementasyon ng K-12 scheme, lalong umiigting ang aking paniniwala na hindi ito ang pinakaangkop at epektibo sa programa ng edukasyon sa bansa. Sa pagsisimula pa lamang ng mga klase, halos walang masulingan ang mga senior high school o K-11; kung lilipat sa public o sa private school na lubha namang magastos.

Hanggang ngayon, hindi ko makita ang lohika kung bakit mistulang ipinagduldulan ng kasalukuyang administrasyon ang naturang sistema na kahit saan silipin ay lalong nagpatindi sa pasanin ng mga mag-aaral, lalo na ng mga magulang.

Isipin na lamang na 12 taong magsasakripisyo ang mga estudyante. Tulad ng ating nasasaksihan ngayon, walang sapat na preparasyon: may kakulangan sa mga silid-aralan at iba pang mahahalagang pangangailangan sa mga paaralan. Kailangan ngayon ang mahuhusay na guro upang matiyak ang de-kalidad na edukasyon.

Sa kasagsagan ng pagpapatupad sa naturang programa, mismong Department of Labor and Employment (DoLE) ang nag-ulat na may mga guro sa higher education institution (HEI) ang nawalan ng trabaho. Ang humigit-kumulang sa 40 guro ay hindi na umano makapagtuturo sapagkat tumigil na ang operasyon ng pinaglilingkuran nilang mga paaralan dahil sa K-12.

Nakababahala rin ang obserbasyon ng World Bank na ang K-12 ay nabigo sa paglikha ng de-kalidad na trabaho sa bansa.

Taliwas ito sa ipinamamarali ng administrasyon na magiging mabilis at epektibo ang hanapbuhay. Siyempre, pinabulaanan ito ng Malacañang.

Palibhasa’t produkto ng K-10 system—anim na taong elementarya at apat na taong high school—nananatili ang aking paniniwala na ito ang sistema ng edukasyon na kailangan sa bansa sa lahat ng pagkakataon. Deka-dekada na itong umiral sa Pilipinas. Mismong mga ninuno natin ang nagpatunay na higit na mahusay ito kaysa sa mga programang umiiral sa ibang bansa. (Celo Lagmay)