DAVAO CITY – Sa kanyang huling pagdalo sa tradisyunal na Monday flag-raising ceremony sa Davao City Hall, sinaluduhan ni incoming President Rodrigo Roa Duterte ang mga empleyado ng pamahalaang lungsod sa kanilang tapat na serbisyo sa 22 taon ng kanyang panunungkulan bilang ama ng siyudad.

Positibo ang disposisyon, palabiro si Duterte nang humarap sa mga Davaoeño na nagtiis na mabilad sa matinding sikat ng araw upang makapiling at mapakinggan ang kanilang idolo.

At nang isang babae ang hinimatay malapit sa entablado, mismong si Duterte ang tumawag sa Central 911 upang humingi ng tulong, na umani ng masigabong palakpakan ng mga dumalo sa okasyon.

Naging emosyonal din ang 71-anyos na susunod na Pangulo ng bansa nang sabihin na nahihirapan na siyang makihalubilo sa mamamayan dahil siya ay napaliligiran ng Presidential Security Group (PSG).

National

Bulkang Kanlaon, alert level 3 pa rin!

“Hindi ko man lang kayo malapitan,” aniya.

Aminado si Duterte na hanggang sa kasalukuyan, hindi pa rin siya makapaniwala na siya’y ihinalal ng 16 na milyong Pinoy sa Malacañang.

“At kung ito’y isang bangungot, sana magkatotoo nga!” ani Duterte.

Sa kanyang talumpati na kanyang binigkas sa Filipino, Bisaya at English at tumagal ng halos 40 minuto, muling binalaan ni Duterte ang mga tiwaling opisyal ng gobyerno, at mga sangkot sa ilegal na droga at iba pang krimen, na masasampolan sila ng “kamay na bakal” kapag itinuloy nila ang kanilang ilegal na gawain sa ilalim ng kanyang panunungkulan.

Aniya, wala siyang pakialam kung sino ang kanyang masasagasaan dahil ito ang kanyang dapat gampanan bilang susunod na ama ng mga Pinoy. (YAS D. OCAMPO)