messi copy

EAST RUTHERFORD, New Jersey (AP) — Nahila ni Lionel Messi ang kanyang t-shirt, napakagat-labi at tinakpan ng dalawang kamay ang mukha. Larawan ng pagkadismaya ang tinaguriang pinakamahusay na football player ng kanyang henerasyon.

Muli, luhaan ang Argentina at sa ikalawang sunod na taon, bigo si Messi na gabayan ang national team sa prestihiyosong torneo.

“The national team is over for me,” malungkot na pahayag ni Messi sa Argentine network TyC Sports, habang nagdiriwang ang Chile para sa isa na namang tagumpay sa Copa America nitong Linggo (Lunes sa Manila).

Trending

'Grabe lakas mo!' Netizen na nakatanggap ng 'Hakot Challenge Award,' hinangaan

“It’s been four finals, it’s not meant for me. I tried. It was the thing I wanted the most, but I couldn’t get it, so I think it’s over,” aniya.

Ginapi ng Chile ang Argentina sa ikalawang sunod na taon, 4-2, sa shootout matapos walang makaiskor sa regulation period ng championship match sa ika-100 taong anibersaryo.

Tangan ni Messi ang Fifa Player of the Year sa limang pagkakataon, apat na Champions League title at walong Spanish La Liga championship sa koponan ng Barcelona, ngunit hindi pa siya nakatitikim ng kampeonato para sa Argentina sa National Team. Huling nagkampeon ang bansa sa international competition noong 1993.

Umabot sa 82,076 ang nanood sa MetLife Stadium — pinakamalaking crowd sa kasaysayan ng football game sa New Jersey — at karamihan ay nakasuot ng No. 10 jersey ng Argentinian star bilang suporta sa kanilang idolo.

Ngunit, nabigo si Messi na bigyan ng kasiyahan ang tagahanga at karangalan ang national team nang sumablay siya sa kanyang tira, habang nakaiskor si Francisco Silva para sa fifth-ranked La Roja.

Naitala ni Messi, inihahalintulad kina football great Pele ng Brazil at kababayan nitong si Diego Maradona, ang kabuuang limang goal sa torneo para gabayan ang koponan sa finals.