IBINASURA ng Department of Justice (DoJ) ang mga kasong kriminal na isinampa ng National Bureau of Investigation (NBI) laban sa ilang empleyado at pulis na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kaugnay ng umano’y “tanim-bala” scam na nambibiktima ng mga inosenteng pasahero.
Sinabi ng prosekusyon ng DoJ na walang sapat na dahilan upang pagtibayin ang paghahain ng kaso laban sa dalawang tauhan ng Office for Transportation Security (OTS) at apat na operatiba ng Aviation Security Group (ASG) ng Philippine National Police, kaugnay ng reklamo ng isang Amerikanong misyonero.
Inakusahan ng nagreklamong pasahero ang mga tauhan ng OTS at ASG ng tangkang pangingikil. Inamin ng isa sa mga akusado na nagbanggit siya ng P30,000, ngunit ito ay nang sinabi niya ang halaga ng multa sa kasong ilegal na pag-iingat ng bala. Tinukoy ng DoJ na tumutupad lang sa regular na tungkulin ang mga tauhan sa paliparan at bagamat nagkamali ang pasahero, wala namang sapat na dahilan upang sampahan ng kaso ang mga inakusahan. Ang nag-iisang kaso ng scam sa NAIA na inimbestigahan ng NBI ay nagwakas na nang hindi umaabot sa korte.
Samantala, sa Godofredo Ramos Airport sa Caticlan, Malay, Aklan, ay isang kaso ang isinampa laban sa isang mag-asawa na kagagaling lang sa kanilang honeymoon sa Boracay. Kinasuhan ang mag-asawa ng ilegal na pag-iingat ng bala matapos na matagpuan ang 14 na bala sa siling bag ng lalaki sa screening sa mga bagahe ng pasahero.
Ibinasura ng Aklan Regional Trial Court ang kaso, dahil din sa kawalan ng sapat na dahilan para ipursige ito. “No matter how the bullets came into the possession of the accused, this court believes there was no intent to possess and to use the bullets on his part,” saad sa desisyon ng korte.
Dahil sa mga insidente ng tanim-bala ay pinangilagan ang NAIA, at maraming dayuhang pasahero na dumarating sa bansa, maging mga Pilipinong balikbayan, ang binalot pa ng plastik ang kanilang mga bagahe upang hindi mataniman ng bala ang mga ito. Ilang buwan pa ang lumipas at tuluy-tuloy sa pagtatanggol ang mga opisyal ng gobyerno sa mga nangyaring pagdakip sa paliparan, nagpasya ang isang misyonerong Amerikano na maghain ng kaso at nakialam na ang NBI sa kaso, at matapos ang masusing imbestigasyon, nagdesisyon itong kasuhan ang anim na tauhan ng OTS at ASG. Ito ang kasong ibinasura ng DoJ dahil sa kawalan ng dahilan. Ang mga ebidensiyang ginamit sa paghahain ng kaso laban sa mga akusado ay itinuring na hindi sapat.
Sa kinahinatnan ng dalawang kaso na ito, ang pinakamainam marahil gawin ay ang bigyang-diin ang naging desisyon ng korte sa Aklan na ang simpleng pag-iingat ng nag-iisang bala ay hindi isang paglabag sa batas. Ito rin ang paninindigan ng Public Attorney’s Office, na tumutulong sa maraming nabiktima ng “tanim-bala” scam sa harap ng mga legal na kumplikasyon ng mga kaso.
Maaaring ibinasura ang kaso sa NAIA dahil sa kawalan ng sapat na basehan, ngunit kung ang naging pasya ng korte sa Aklan ay katanggap-tanggap, dapat na epektibo na nitong matuldukan ang nakahihiyang kabanata ng “tanim-bala” sa ating mga paliparan.