Bumili ang Philippine National Police (PNP) ng 48 bagong utility truck upang mapabuti ang disaster response capability.
Sinabi ni outgoing Interior Secretary Mel Senen Sarmiento na binili ang mga bagong truck bilang bahagi ng Capability Enhancement Program (CEB) na inilaan para sa PNP modernization sa P2 billion kada taon.
“Our procurement process has really improved. We have done a lot in improving the operational capability of the PNP,” pahayag ni Sarmiento.
Sinabi ni Chief Supt. Wilben Mayor, PNP spokesman, na maaaring gamitin ang mga truck para suportahan ang paggalaw at pagdagdag ng mga tropa, at iba pang mga special operation na kinabibilangan ng disaster response at anti-insurgency campaign.
“These trucks are ready for distribution to 18 Police Regional Offices and other support units of the PNP,” sabi ni Mayor.
Maliban sa National Capital Region na binigyan ng limang truck, ang lahat ng nalalabing 17 rehiyon ay tatanggap ng tig-dalawang bagong utility truck.
Walong truck naman ang ipagkakaloob sa mga PNP support unit gaya ng Special Action Force, Maritime Group, Regional Public Safety Battalions at Highway Patrol Group. (Aaron B. Recuenco)