Iniimbestigahan na ng Philippine National Police (PNP) ang 35 alkalde dahil sa pagkakasangkot umano sa operasyon ng ilegal na droga.
Ayon kay incoming PNP chief, Chief Supt. Ronald “Bato” Dela Rosa, karamihan sa alkalde ay pawang nanunungkulan sa Davao Region.
Hindi muna pinangalanan ang mga alkalde na sinasabing sangkot sa pagpapakalat ng ilegal na droga.
Sinabi ni Dela Rosa na ipauubaya niya sa 15 itatalagang regional director ang pagresolba sa problema.
Ang mga uupong regional director ay personal na pinili ni Dela Rosa para pamunuan ang pulisya sa iba’t ibang dako ng bansa.
Opisyal na manunungkulan si Dela Rosa bilang bagong hepe ng PNP sa Hulyo 1.
Ngayong Martes naman nakatakdang magretiro sa puwesto si PNP Chief Director Gen. Ricardo Marquez. (FER TABOY)