LABINDALAWANG Barong Tagalog pala ang pinagpipilian para isuot ni incoming President Rodrigo Roa Duterte sa kanyang inagurasyon bilang ika-16 na pangulo ng Pilipinas. Mula ngayon, dalawang araw na lang ang hihintayin natin upang tuluyang maupo sa puwesto ang bagong pangulo na nasilo ang imahinasyon ng taumbayan sa kanyang pangako na sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan, lilipulin niya ang illegal drugs at susugpuin ang kriminalidad. Welcome, President Rody!

Ayon nga pala sa mga report mula sa Davao City, gusto ni RRD na simple lang ang isusuot kaya bawat isang barong na sadyang idinisenyo ng mga kilalang designer ay tig-P6,500 lang ang halaga. Malaking kamurahan at kapayakan ito kung ikukumpara sa amerikana (suit) na isinusuot ng mayayabang at nagpapasiklabang pulitiko.

Habang sinusulat ko ito, mukhang hindi talaga magkakasama sa inagurasyon sina Mang Rody at beautiful Leni sa Huwebes, Hunyo 30. Ang machong alkalde ay manunumpa kay Supreme Court Associate Justice Bienvenido Reyes noon, samantalang si Aleng Leni naman ay manunumpa sa isang barangay captain mula sa pinakamahirap, pinakamaliit at pinakamalayong barangay sa Camarines Sur.

Unti-unti nang sumusulpot ang ‘di pagkakaintindihan o bangayan sa mga incoming member ng Duterte cabinet. Ang unang isyu ay tungkol sa pagmimina sa bansa. Ang nagkakabangga ngayon ay sina incoming Finance Sec. Carlos “Sonny” Dominguez at incoming DENR Sec. Regina “Gina” Lopez. Naniniwala si Dominguez, kaklase rin ni Mang Rody, na hindi dapat mangamba ang mining industry sa Pilipinas sapagkat ang “responsibile mining” ay mananatiling bahagi ng Rody administration. Hindi rin hihingi o magpapataw ng bigger revenue share na kinokontra ng mining industry.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

“Mahalaga ang papel ng pagmimina sa Pilipinas. Ang key word dito ay ‘responsible’ at maliwanag ang posisyon ng ating presidente tungkol dito: you have to do it right”, sabi ni Dominguez. Dagdag pa ni Sec. Sonny: “I also see no problem with the revenue sharing as specified in the current law.”

Matindi ang pahayag ni Sec. Gina, isang anti-mining advocate, na kahit ang “responsible mining” ay hindi katanggap-tanggap (acceptable). Badya ni Lopez: “How can it be responsible to do open pit mining in the country that is most vulnerable to climate change?” Papaano rin daw na magiging “responsible” ito kung malalagay sa panganib ang buhay at kinabukasan ng mga magsasaka at mangingisda katapat ng malaking pera o kita ng mga dayuhan at mayayaman sa operasyon ng minahan.

Hinggil naman sa isyu ng pagpapalibing sa diktador na si ex-Pres. Marcos, mismong ang bagong hirang na Kalihim ng Department of Social Welfare Administration na si Juliet Taguiwalo, biktima ng malupit na martial law regime, ay salungat sa plano ni President Rody na mailibing ang diktador sa Libingan ng Mga Bayani. Hindi pa nagsasalita ang bagong hirang na Kalihim ng Department of Agriarian Reform (DAR), si Rafael Mariano na isang militant congressman, pero tiyak na salungat din ito sa balak na pagpapalibing kay Marcos sa nasabing libingan.

Patuloy na may nagtatanong sa akin ng ganito: “’Di ba sinabi ni President Rody na ang pagkakaibigan niya sa mga kaibigan ay nalalagot kung saan ang interes o kagalingan ng bayan ay nagsisimula”? Eh, bakit daw hindi niya hirangin si VP Leni sa gabinete para makatulong sa kagalingan at kabutihan ng bayan? Ayon sa report, ayaw daw yatang saktan ni Digong si Sen. Bongbong Marcos na kanyang kaibigan na tinalo ni Leni. Saka plano rin daw yatang hirangin ni Mang Rody si Bongbong sa kanyang gabinete! (Bert de Guzman)