Umabot na sa 63 katao ang napapatay sa anti-illegal drugs operation ng Philippine National Police (PNP), habang nasa 4,312 naman ang naaresto nang buhay sa bansa.
Ito ay matapos madagdagan ang bilang napatay na drug suspect sa mga anti-illegal drug operation ng pulisya simula noong Mayo 10 hanggang Hunyo 26.
Ayon sa report ng PNP, mula sa 54 na napatay na drug suspect ay nadagdagan pa ito ng siyam katao nitong Biyernes at Sabado sa magkakahiwalay na lugar sa Luzon at Mindanao.
Sa report ng Batangas Provincial Police Office (BPPO) napatay nitong Biyernes ng umaga ang umano’y drug pusher na si Donald Medina, makaraang manlaban umano sa Barangay San Jose, Batangas City.
Sa Bulacan, napatay din ang sinasabing drug pusher na si Rodelo dela Cruz, taga-Meycauayan.
Iniulat naman ng Central Mindanao Police Office (CMPO) ang pagkakapatay sa buy-bust operation sa tulak na si Khalil Lumbayuan, ng General Santos City.
Patay din si Reymar Bonde makaraang makipagbarilan sa mga pulis sa Tanay, Rizal, samantalang nasawi rin ang isang alyas Tubo sa Pagsanjan, Laguna, gayundin ang drug pusher na kinilalang si Allan Naval, sa San Pedro, sa Laguna rin.
Tinambangan naman at napatay ang tatlong pinaghihinalaang tulak, kabilang ang isang barangay chairman, sa Cagayan, Isabela, at Apayao nitong Biyernes.
Batay sa record ng PNP, naging matagumpay ang operasyon laban sa mga drug pusher sa Regions 3, 7, 8, 10 at 11.
(FER TABOY)