LEGAZPI CITY – Ang Albay ang magiging punong abala, kaisa ang nasa 1,000 sundalo mula sa US Pacific Fleet, Australian Navy at iba pa, sa pagbubukas ng USNS Mercy simula ngayong Lunes hanggang sa Hulyo 11 bilang pinakamalaking hospital ship sa mundo, sa ilalim ng programang “Pacific Partnership.”

Inilunsad noong 2004 matapos ang malakas na lindol sa Indian Ocean na sinundan ng mapaminsalang tsunami, ang Pacific Partnership ay ang taunang pagsasama-sama ng naval forces ng iba’t ibang bansa at mga humanitarian organization para sa epektibong ugnayan na kinakailangan sa panahon ng mga kalamidad, at maging sa pagtiyak sa seguridad.

Alinsunod sa Philippine-US Mutual Defense Treaty, ang mga bisitang sundalo ay aayudahan ng mga miyembro ng Philippine Navy sa South Luzon, at tatanggapin ni Albay Gov. Joey Salceda sa maigsing seremonya sa Albay Astrodome sa Legazpi City ngayong Lunes.

Sinabi ng gobernador na magandang pagkakataon ang Pacific Partnership upang paigtingin ang pagkakaibigan ng mga puwersang militar at mga bansa sa Asia Pacific, na lubhang kailangan sa panahon ng kalamidad. Bukod dito, pagkakataon din, aniya, ito upang ipamalas ang kaakit-akit na eco-tourism ng lalawigan.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Kumpleto ang USNS Mercy sa makabagong kagamitang medikal at mga pasilidad, at magkakaloob ng libreng gamutan sa mamamayan. Tutulong din ang mga inhinyero ng Pacific Partnership sa pagkukumpuni ng mga paaralan at iba pang istrukturang pampubliko, sa paglilinis sa mga baybayin, sa pangangasiwa sa seminar sa kahandaan sa kalamidad, at sa palarong pampalakasan.

Taong 2013 nang huling bumisita sa Pilipinas ang USNS Mercy, nang magkaloob ito ng libreng gamutan at konsultasyong medikal sa Roxas City matapos salantain ng bagyong ‘Yolanda’ ang Eastern Visayas, Nobyembre ng taong iyon.