LIMANG bagong uri ng orchid ang nadiskubre sa liblib na kabundukan ng Pilipinas, epektibong naprotektahan mula sa mga mapagsamantala dahil sa insurhensiya sa rehiyon.
Ang mga bagong orchid ay sa kabundukan lang ng Mindanao matatagpuan, sa bahaging pinamumugaran ng mga rebelde, at naging lingid sa mga eksperto sa pagtatala ng iba’t ibang uri ng halaman sa nakalipas na 200 taon, ayon sa conservationist na si Miguel David de Leon.
Talamak ang bentahan ng wild orchids sa Pilipinas, at may ilang komunidad ang ilegal na nangunguha sa mga ito nang walang permit para iluwas sa ibang bansa o ibenta sa gilid ng mga kalsada.
Subalit ilang dekada nang alipin ng insurhensiya ang ilang lugar sa Mindanao, na ilang gerilyang komunista ang sinasabing nakakukuha pa ng suporta mula sa mahihirap na magsasaka o silang nangakatira sa kabundukan.
“The insurgency problem helps prevent poachers or would-be orchid-hunters from entering the forests,” sinabi ni De Leon, isang plant and wildlife conservationist na nakadiskubre sa bagong orchid nang minsan niyang inakyat ang kabundukan ng Bukidnon.
“These areas are very isolated. The terrain is treacherous, accessible only by foot and occasionally, a motorcycle or horse,” dagdag niya.
Ang tuklas, na unang inilathala sa German na OrchideenJournal ngayong taon, ay kinabibilangan ng isang dilaw na orchid na may maliliit na brown spots.
“It is one of the most attractive among members of the genus,” sabi ni De Leon.
“(The) other species are red or purple but this really stands out because it’s the brightest shade of yellow.”
Pinangalanan ni De Leon, kasama ang Australian taxonomist na si Jim Cootes, at ng Pinoy na researcher na si Mark Arcebal Naïve, ang halaman bilang Epicrianthes aquinoi, bilang pagbibigay-pugay sa pababa na sa puwesto na si Pangulong Benigno S. Aquino III, na nakilala ang pamilya sa paggamit ng dilaw sa mga pagtitipong pulitikal.
Nakatuklas din sila ng isang purong puti na orchid at isang red-lipped white na Dendrobium, isang matingkad na pulang Epicrianthes, at isang berdeng slipper orchid na naguguhitan ng pula.
Nakapagsulat na ng tatlong libro tungkol sa Philippine orchids, sinabi ni Cootes na napatunayan lamang sa mga bagong tuklas na sadyang mayaman at sagana ang biodiversity ng Pilipinas, at naniniwala siyang marami pang halaman dito ang hindi pa nadidiskubre.
“We need to preserve what is left because the variation within the different species is so high that it is almost priceless,” sabi ni Cootes.
“The mountains throughout the archipelago need to be preserved,” aniya.
Itinala ng Conservation International ng Amerika ang Pilipinas bilang isa sa 35 biodiversity hotspots—o ang mga lugar na may pinakasagana, ngunit pinakadelikadong maglaho, na uri ng halaman at hayop.
Dahil din sa pag-abuso at pagkakalbo sa kagubatan at kabundukan sa iba’t ibang dako ng Pilipinas ay napipinsala ang mga orchid habitat, gayundin ang iba pang halaman, talahib, fungi at algae na nagpapanatili sa buhay sa kagubatan. - Agencé France Presse