Kailangang mag-isang resolbahin ng Commission on Elections (Comelec) ang huling gusot sa liderato nito, dahil walang planong makisawsaw sa isyu ang Malacañang.
Tumanggi ang Malacañang na makialam sa mga reklamong iniharap ng mga komisyuner laban kay Comelec Chairman Andres Bautista, na itinalaga ni Pangulong Aquino sa puwesto, at sinabing inirerespeto ng Palasyo ang independence ng komisyon bilang constitutional body.
“Mainam na hayaan na lang nating talakayin ito ng tagapangulo at mga commissioner ng Comelec dahil ayon sa batas, ang Comelec ay isang independent Constitutional body,” sinabi ni Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma, Jr. sa isang panayam sa radyo.
“Karamihan sa kanilang mga tinutukoy ay panloob na usapin hinggil sa kanilang ugnayan sa isa’t isa sa Comelec. Kaya mainam na sila na lamang ang magtalakayan hinggil dito,” dagdag pa ni Coloma.
Kamakailan, lumagda ang anim na komisyuner ng Comelec sa isang memorandum na mariing tumutuligsa kay Bautista dahil sa umano’y “failure of leadership” kaugnay ng mga problema sa eleksiyon noong Mayo 9.
Sinisisi ng mga komisyuner si Bautista sa naaantalang sahod ng mga nagsilbing board of election inspectors, sa kabiguang matugunan ang pag-hack sa website ng komisyon, sa paniningil ng Robinson’s Land Corporation sa mga ginastos nito sa naunsyaming mall voting, at maraming iba pa.
Inaasahang magbabalik-trabaho ngayong Lunes pagkatapos ng personal niyang biyahe sa Japan, napaulat na nagpahayag ng kahandaan si Bautista na sagutin ang mga alegasyon laban sa kanya.
Depensa pa ni Bautista, kung totoo ang akusasyon ng “failed leadership” ay hindi naging matagumpay ang katatapos na halalan, na una nang kinilala bilang pinakamatagumpay sa kasaysayan ng bansa.
Kinontra naman ito ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon sa pagsasabing hindi maaaring angkining lahat ni Bautista ang credit sa tagumpay ng eleksiyon nitong Mayo 9.
“’Di naman natin masasabing dahil sa kanya kaya naging matagumpay. Lahat naman po nagtrabaho,” sabi ni Guanzon. “Ayaw naming mag-fail ang eleksiyon kaya tiniis na lang namin siya.”
Kasabay nito, nilinaw ni Guanzon na hindi nila pinepersonal si Bautista: “Huwag niyang sabihin na personal namin ito sa kanya, wala naman kaming kailangan sa kanya para ipitin namin siya,” aniya.
Matapos bigyang-diin na hindi siya interesadong palitan sa puwesto si Bautista, nilinaw ni Guanzon na ayaw naman ng mga komisyuner na umabot sa puntong magbitiw sa puwesto ang chairman at sinabing nais lang nilang umayos ito at tumalima sa desisyon ng en banc. (Genalyn Kabiling at Mary Ann Santiago)