IBINASURA ni Pangulong Aquino ang Senate Bill 2720 at House Bill 6411 na magkakaloob ng dagdag-suweldo sa mga nurse ng gobyerno, kasabay ng Senate Bill 2581 at House Bill 3674 na layuning patawarin na lang ang mga hindi nabayarang income tax ng mga local water district.
Binatikos ang pag-veto ng presidente sa panukalang umento para sa mga nurse ng maraming umaasa na sa pamamagitan ng mas mataas na suweldo ay mapipigilan ang maraming Pinoy nurse na magtrabaho sa ibang bansa. Sinabi ng mga kongresistang kumakatawan sa mga party-list na pinatunayan lang ng pag-veto na ang Pangulo ay “consistently anti-worker.” Gayunman, sinabi ng Presidente na ibinasura niya ang panukala dahil lilikha ito ng kalituhan sa mga health professional sa gobyerno, kabilang na ang mga optometrist, dentista, at doktor.
Matatandaang nang ibinasura ni Pangulong Aquino ang P2,000 dagdag sa pensiyon ng mga retirado ng Social Security System ay umani rin siya ng batikos dahil sa kawalan umano ng simpatiya para sa mahihirap na retiradong manggagawa na hindi man lang makasapat sa mga pangangailangang medikal ang kakapiranggot nilang pensiyon mula sa SSS. Nagkaroon ng hakbangin upang pawalang-bisa ang veto sa huling araw ng Kongreso ngunit tinanggihan ng mga pinuno ng Kamara ang panawagan para sa individual voting, sinabing wala na rin itong silbi dahil nagsara na rin ang Senado.
Ang mga sitwasyong gaya nito, na inaaprubahan ng Kongreso ang isang panukala pagkatapos ng mahabang deliberasyon, para lamang ibasura ng Pangulo sa huli, ay maiiwasan kung nagkaroon ng masusing ugnayan sa pagitan ng mga kagawaran ng Ehekutibo at Lehislatibo.
Sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Fidel V. Ramos, binuo ang tanggapan na tinatawag na Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) na regular na nagpupulong upang talakayin ang mga programa at polisiya para maisakatuparan ang hinahangad na kaunlaran ng ekonomiya. Ang Pangulo ang tumatayong chairman nito, at binubuo rin ng Senate president at tatlo pang senador, at House speaker at tatlong kongresista, pitong kasapi ng gabinete, mga kinatawan ng bawat lokal na pamahalaan, sektor ng kabataan, at pribadong sektor.
Kung ang lahat ng panukala ay ipoproseso sa tanggapang gaya ng LEDAC, maaaring magkaroon ng pagkakasundo-sundo bago pa pormal na maaprubahan ng Kongreso ang isang panukala. Wala nang presidential veto na pangangambahan, dahil bahagi ang Pangulo sa proseso ng pagbubuo ng mga programa at proyekto para sa pagtitibaying batas.
Matapos na ibasura ni Pangulong Aquino ang nursing bill, magkasamang nanawagan ang Philippine Nurses Asociation at Filipino Nurses United kay incoming President Duterte na silipin at pag-aralan ang nasabing panukala. Sinabi nilang umaasa sila na dadagdagan ni Duterte ang suweldo ng mga nurse, gaya ng pinaplano niyang itaas ang sahod ng mga pulis.
Maaari ring buhaying muli ng papasok na administrasyon ang LEDAC o isang kaparehong sistema ng pagsusulong ng pagkakaisa na makatutulong sa gobyerno sa kabuuan at partikular na makaiwas sa presidential veto.