CABANATUAN CITY – Labis ang pasasalamat ng libu-libong magsasaka sa inaasahang malilibre na sila sa patubig mula sa irigasyon bilang katuparan ng pangako ni President-elect Rodrigo Duterte, kasunod na rin ng pagkakatalaga sa bagong hepe ng National Irrigation Authority (NIA).
Sa ilalim ng liderato ng bagong administrasyon, maluluklok si C'zar Sulaik bilang bagong pinuno ng NIA, makaraan siyang hirangin ni incoming Agriculture Secretary Emmanuel Piñol bilang kapalit ni NIA Administrator Florencio Padernal.
Ayon kay Piñol, matagal na niyang kaibigan at nakatrabaho pa si Sulaik, na regional irrigation manager ng Caraga Administrative Region (Region 13), noong siya pa ang gobernador ng North Cotabato.
Pang-anim si Sulaik sa mga pinagpilian para sa puwesto, subalit siya ang napusuang ilagay sa puwesto bilang bagong NIA administrator sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Umaasa ang mga magsasaka na ipatutupad ni Sulaik ang polisiyang “free irrigation” na una nang ipinangako ni Duterte, at tiyak anilang magpapaluwag sa kabuhayan ng maliliit na magbubukid.
Naipaabot na rin sa tanggapan ni Piñol ang mga hinaing ng mga opisyal at kawani ng NIA hinggil sa pagiging “insensitive” umano ni Padernal nang tanggalin nito ang Viability Incentive Grant (VIG), bukod pa sa mga pagkukulang umano sa pagtugon sa mga pangangailangan ng ahensiya, dahil sa pagiging “outsider” nito. (Light A. Nolasco)