KUMPIRMADONG pumanaw na nitong nakaraang Linggo ang Korean actor na si Kim Sung Min, na nakilala sa kanyang pagganap sa hit drama na Miss Mermaid (Irene nang ipalabas sa Pilipinas) noong 2002, dalawang araw matapos siyang ma-comatose kasunod ng pagtatangka niyang magpakamatay. Siya ay 43 anyos.

Ido-donate ng pamilya ang atay, kidneys, corneas, at bituka ni Sung Min.

Dakong 10:15 ng umaga nitong Linggo nang ideklarang brain dead ang aktor ng mga doktor sa St. Mary’s Hospital sa Seoul, na pinagdalhan sa kanya ng mga pulis nang matagpuan siyang walang malay at may lubid na nakapulupot sa leeg sa loob ng banyo sa kanyang bahay, dakong 2:00 ng umaga nitong Biyernes.

Huwebes ng gabi nang tumawag sa mga pulis ang anak na lalaki ni Sung Min upang i-report ang pag-aaway ng mga magulang nito. Tinungo ng mga pulis ang bahay ng aktor, ngunit sinabihan sila ng misis ni Sung Min na hindi malaking bagay ang kanilang pinag-awayan.

Tsika at Intriga

Sey mo Julie Anne? Vice Ganda, nag-joke tungkol sa 'Anong kinakanta sa simbahan?'

Gayunman, nagpasya ang asawa ni Sung Min na umalis sa bahay bitbit ang kanilang nag-iisang anak upang magpalipas ng magdamag sa bahay ng isang kaanak. Pagkaraan ng 10 minuto, tumawag ang ginang sa pulisya at hiniling na bisitahin ng mga pulis ang aktor dahil sa paniwalang sasaktan nito ang sarili.

Sa teatro nagsimulang umarte si Sung Min noong 1995 at pagkaraan ng tatlong taon ay napanood na rin siya sa telebisyon. Gayunman, ang seryeng Miss Mermaid ang nagpasikat sa kanya.

Taong 2004 nang ipalabas sa Pilipinas ang nasabing serye, na may titulong Irene.

Napanood din si Sung Min sa iba pang TV drama, gaya ng Women Next Door, Lotus Flower Fairy, Family’s Honor, Can We Get Married, at The Three Musketeers.

Noong 2011, sinentensiyahan si Sung Min sa pag-iingat ng shabu, na ipinuslit niya sa South Korea mula sa Cebu sa pagitan ng 2008 at 2010.

Hinatulan siyang mabilanggo ng apat na taon, ngunit umapela siya at nakakuha ng dalawa at kalahating taon nang suspendidong sentensiya. Pinagmulta rin siya ng 900,000 won (P36,000), isinailalim sa 120 oras na community service, at nag-enroll sa substance abuse education sa loob ng 40 oras.

Nagbalik si Sung Min sa pag-arte noong 2012, ngunit muli siyang naaresto dahil sa bawal na gamot noong Marso 2015 nang bumili ng 0.8 gramo ng shabu sa Internet.

Nakalaya siya nitong nakaraang Enero matapos makulong ng 10 buwan.

Itinakda ngayong Martes, Hunyo 28, ang libing ni Sung Min. (JONATHAN M. HICAP)