Ni ALI MACABALANG

BULUAN, Maguindanao – Determinado si Maguindanao Governor Esmael “Toto” Mangudadatu na maghain ng demanda laban sa mga netizen na nagbansag sa kanya at sa dalawa niyang anak ng “drug lord.”

Aniya, inulan na siya ng sari-saring alegasyon ng pagkakasangkot sa mga ilegal na gawain matapos siyang maghayag ng suporta kay incoming President Rodrigo Duterte.

“Hindi namin ito palalagpasin,” pahayag ni Mangudadatu matapos lagdaan ang isang complaint affidavit na inihanda ng kanyang abogado na si Israelito Torreon.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ayon kay Torreon, kasong libelo at paglabag sa Philippine Cybercrime Law ang kanilang isasampa laban sa isang “Bai Utto” na nagbansag sa gobernador at sa dalawang anak nito na mga “drug lord” na mariing itinanggi ng gobernador.

Umabot na sa 1,300 netizen ang nag-share ng naturang post sa Facebook na kakasuhan din ng kampo ni Mangudadatu.

Tumutulong na, aniya, ang National Bureau of Investigation (NBI) sa pagtukoy sa tunay na pagkakakilanlan ng mga nasa likod ng smear campaign at ang kinaroroonan ng mga ito.

“Ang Facebook post ay isang malaking insulto sa magandang pangalan at reputasyon ng pamilya Mangudadatu. Para kay Bai Utto at iba pang nag-share at naghayag ng komento hinggil dito…magkita na lang tayo sa korte,” giit ni Torreon.

Naniniwala si Mangudadatu na posibleng ang kanyang mga kalaban sa pulitika ang nasa likod ng smear campaign laban sa kanyang pamilya.