NAKATAKDANG maghain si ex-Pres. Gloria Macapagal-Arroyo (GMA), ngayon ay Kinatawan ng Pampanga, ng panukalang batas na magkakaloob ng emergency powers kay President-elect Rodrigo Roa Duterte upang makatulong sa paglutas ng probema sa trapiko sa Metro Manila na pumipinsala ng bilyun-bilyong piso araw-araw sa mga negosyo, kalakal, manpower, at iba pa ng mga Pilipino at ng bansa.
Ang panukala ay may titulong “Metro Manila Traffic Crisis Act of 2016” na ang layunin ay bigyang-laya si Mayor Digong na gumawa ng mga hakbang para sa mabilis at epektibong pagresolba sa mabigat na daloy ng trapiko sa MM sa pamamagitan ng special powers nang hindi hahadlangan ng kung anu-anong kritisismo at balakid.
Sa wakas, makahihinga na ngayon nang maluwag si GMA sa pagbaba sa puwesto ng ‘di umano’y “benggatibong pangulo” sa pagpasok ng bagong presidente na handang magkaloob kay Aleng Maliit ng kaluwagan at kaginhawahan na hindi niya naranasan sa PNoy administration. Imagine, patuloy siyang ipinipiit gayong ang kanyang mga co-accused sa plunder case ay pinagkalooban ng piyansa para makalabas, at ang iba nga ay pinawalang-sala pa. Anyway, may tinatawag na KARMA, at sana’y tamaan kayo ng lintik, sabi nga ni Pilosopo Tasyo.
Si Regina “Gina” Lopez ang hinirang ng machong alkalde bilang bagong Kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR). Siya ay isang masugid na anti-mining advocate at tagapagtanggol ng kapaligiran at kalikasan. Siya ang chairperson ng ABS-CBN Lingkod Kapamilya Foundation. Nag-aral siya sa Assumption College at Newton College of the Sacred Heart sa Boston, USA.
Kabilang si Gina sa angkan ng mga Lopez na may-ari ng giant network na ABS-CBN Channel 2. Ayon sa balita noong Miyerkules, bumagsak ang share prices ng pagmimina (mining) ng 4.09% matapos alukin ni Mang Rody si Gina sa nasabing puwesto sa DENR. Kaaway kasi si Gina ng mga tiwaling mining company. Kabilang sa bumagsak ang share prices ay ang Philex Mining; Philex Petroleum Corp; Lepanto Consolidated Mining; Apex Mining at Manila Mining Corp.
Nagbabala si Gina sa corrupt officials ng DENR na “bilang na ang mga araw ninyo.” “We’ll clean the ranks of the DENR.
Those accepting bribes, your days are numbered. Stop it. No corruption is acceptable”. Parang magkatugma sila ni President Rody sa paninindigan laban sa katiwalian at kabulukan sa gobyerno at sa lipunang-Pilipino. Kahit babaero at parang sanggano ang magiging presidente ng ‘Pinas, ayaw na ayaw niya sa kurapsiyon. “Corruption must stop. It makes me sick.”
Nagtatanong ang mga kasamahan ko sa kapihan kung itutuloy ni Gen. Bato o incoming PNP Chief Director General Ronald dela Rosa, ang banta niya sa mga drug lord at kriminal sa loob ng New Bilibid Prisons (NBP) na ilalabas niya ang mga ito nang “pahiga” (horizontal) upang masugpo ang illegal drugs sa loob.
Hindi ko pa alam. Pero, ang alam ko ay ang pahayag ni ex-Sen. Nene Pimentel, founder ng PDP-Laban, ang partido ngayon ni Mang Rody, tungkol sa sunud-sunod na patayan na ginagawa ng mga pulis versus suspected drug dealers, pushers, users. Ayon kay Sen. Nene, mahigpit niyang tinututulan ang death penalty, ngunit papayag na siya sa parusang ito kaysa basta na lang babarilin, papuputukan at itutumba ang pinaghihinalaan pa lamang. Sabi ni Ka Nene, at least, may proseso sa death penalty subalit sa pagpatay sa mga suspek pa lamang ay wala! (Bert de Guzman)