Napanatili ni International Master Paolo Bersamina ang liderato kontra kina Grandmaster Jayson Gonzales at John Paul Gomez sa ginaganap na National Chess Championship kahapon, sa Rizal Memorial Athletes Dining Center.

Ang torneo ang gagamiting batayan para makapili ng miyembro para sa Philippine Team na isasabak sa 42nd Baku World Chess Olympiad.

Nakipaghatian ng puntos ang 18-anyos na BSEED-Math student sa National University na si Bersamina kay National Master Michael Gotel upang manatiling walang talo matapos ang siyam na round.

Tinalo naman ng nagbabalik-laro na si Gonzales, National Chess Federation of the Philippines Executive (NCFP) Executive Director, si NM Hamed Nouri upang muling makasalo sa liderato matapos maiwanan sa pagtatapos ng ikawalong round.

Angelica Yulo, proud na ibinida hakot awards na 'Golden Boy' anak na si Eldrew

Nakihati lamang sa puntos si Gomez sa kapwa GM na si Rogelio Barcenilla sa ikasiyam na round matapos naman magwagi ng tatlong sunod kina John Marvin Miciano, NM Michael Gotel, at IM Haridas Pascua.

Nasa solong ikaapat na puwesto si Eugene Torre na bagamat kasalo sa liderato sa anim na puntos ay mayroong 11.5 match points matapos na mapuwersa sa stalemate sa kanilang paghaharap ni Fide Master Narquinden Reyes.

Tangan naman ni GM Rogelio Antonio, Jr. ang 11 match point mula sa 5 ½ puntos, kasunod si Rogelio Barcenilla.

Nasolo naman ni Janelle Mae Frayna ang liderato sa women’s division matapos ang ikasiyam na round sa natipong 14 match point mula sa kabuuang 7 puntos sa laban. Huling tinalo ni Frayna ang kapwa WIM na si Bernadette Galas. - Angie Oredo