NAIPAWIS na rin sa wakas ang galit at gigil nina Baron Geisler at Kiko Matos sa isa’t isa sa inabangang sagupaan nila sa caged fight sponsored by Universal Reality Combat Championship (URCC) nitong nakaraang Sabado sa Valkyrie Club, Taguig.
Jampacked ang crowd kahit pa pinaniniwalaan ng nakararami na gimik lang ang away ng indie actor na si Kiko at ng premyadong aktor na si Baron na nag-umpisa sa isang fundraising event sa isang bar sa Quezon City ilang linggo pa lang ang nakararaan.
Nabigo ang mga nagbayad ng tiket sa URCC na nagsabing hindi naman tinotoo ni Baron ang bantang paduduguin niya ang mukha ni Kiko sa kanilang ring fight.
Mukha ngang palabas lang ito para makahila ng malaking crowd na magbabayad para mapanood ang laban. Marami ang nagreklamo na bitin sila sa laban lalo pa’t itinigil na ito pagkatapos ng second round at hindi na itinuloy ang ikatlong round.
Sa unang round nagpamalas ng lakas si Kiko pero nanghina na ito sa second round, kaya si Baron naman ang gumanti at nagpamalas ng gilas sa pagsuntok.
Parehong nanghina ang dalawa sa ring at pagkatapos ng second round napagdesisyunan ng judges na iskoran ng 19-19 ang dalawa, base sa ipinakitang galaw at naipatamang suntok at sipa.
Kaya nauwi lang sa draw ang bakbakan nina Baron at Kiko.
Pagkatapos ng desisyon, nagyakapan ang magkatunggali at mukhang dito na rin tinatapos ng dalawa ang naumpisahang iringan. (ADOR SALUTA)