Handa ang mga puwersa ng gobyerno na tapatan ang ano mang banta mula sa Islamic State (IS) terror group na nanawagan sa mga kaalyadong grupo nito na maghasik ng kaguluhan sa Southeast Asia, partikular sa Pilipinas.

“Ang banta ng terorismo, saan man ito galing, ay hinaharap at tinutugunan ng ating Sandatahang Lakas at Pambansang Pulisya,”sinabi ni Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma, Jr. sa isang panayam sa radyo.

“Sa tulong ng mamamayan, mahahadlangan at maitataboy ang mga bantang iyan,” dagdag ni Coloma.

Sa huling video na isinahimpapawid, nanawagan ang Islamic State group sa mga tagasuporta nito na nasa Syria o Pilipinas na paigtingin ang paghahasik ng kaguluhan bilang pagsuporta sa isang “Abu Abdullah”, leader ng Abu Sayyaf na kaalyado ng IS.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Pinaigting din ng militar at pulisya ang operasyon nito laban sa Abu Sayyaf Group makaraang pugutan ng grupo ang dalawang Canadian hostage matapos mabigong magbayad ng ransom.

Tiniyak ni Coloma na hindi titigil ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) hanggang hindi tuluyang nadudurog ang puwersa ng Abu Sayyaf. - Genalyn D. Kabiling