SPRINGFIELD, Ohio (AP) – Malapit nang matapos ang John Legend Theater na ipinagagawa ng Springfield School District, at pinag-iisipan na ng mga opisyal kung paano ito magiging kapaki-pakinabang sa buong komunidad.
Nag-donate si John ng $500,000 para sa proyekto. Nagtapos ang Oscar- at Grammy-winning artist sa naturang school district.
Iniulat ng pahayagang Springfield News-Sun na simula nang buksan ang Springfield Center of Innovation: The Dome noong summer ay tinanggap na ang mga community group para magamit ang mga meeting room nito.
Ngunit maniningil na ngayon ang distrito sa bawat paggamit sa mga silid, gayundin sa teatro na bubuksan sa gusali, kapag nakumpleto na ang renovation.
Ginastusan ng $2.5 million, inaasahang matatapos ang proyekto sa Setyembre 1.
Ayon kay Superintendent Bob Hill, nagtutulungan ang mga opisyal ng eskuwelahan upang mabalanse ang gastusin sa pagmamantine sa teatro at ang makakayang bayaran ng mga gagamit dito.
Gayunman, libreng magagamit ang venue ng mga grupo ng mga estudyante sa distrito. Ang mga organisasyong magtatanghal ng mga programang may kaugnayan sa educational mission ay sisingilin ng isang set price, at ibang presyo naman para sa mga for-profit group, ayon kay Kim Fish, director of communications.
“I think we all see this as a local venue that currently does not exist in Springfield that will offer new and expanded opportunities for our students and community’s art, theatre and music groups,” sabi ni School Board President Ed Leventhal.
Nanalo si John, 37, ng isang Oscar at isang Golden Globe para sa awiting Glory na ginamit sa pelikulang Selma. Marami na rin siyang napanalunang Grammy Awards.