Hindi lamang ang pusong palaban ng Gilas Pilipinas ang kailangan ng Philippine basketball team para makasalba sa gaganaping Manila Olympic Qualifying Tournament sa Hulyo 5.
Malaking bentahe ang home crowd, kung kaya’t nanawagan si Samahang Basketball ng Pilipinas (SBP) Vice President Al Panlilio sa local cage fans na tulungan ang koponan at buhayin ang determinasyon ng Gilas para matupad ang hangaring makabalik sa Olympics.
“Let’s be a great sixth man,” sambit ni Panlilio.
“Please, on behalf of our basketball team, keep us in your thoughts, keep us in your prayers, and most importantly, in your hearts,” pakiusap naman ni national coach Tab Baldwin.
Sasabak ang Gilas sa pinakamabigat na hamon sa kanilang career kontra sa world-class title-contender France, pangungunahan ni NBA star Tony Parker at New Zealand sa Group B.
Magkakasama naman sa Group A ang Canada, Turkey, at Senegal.
Kasalukuyang nasa Italy ang Gilas para sa huling aspeto ng kanilang paghahanda at ipinahayag ni Panlilio na ihahayag ni Baldwin ang 12-man line-up ng Gilas ngayong gabi via Skype.
Sa kasalukuyan, No.28 ang Gilas sa FIBA ranking. At inaasahang mabigat ang laban kontra sa mas matataas na ranking na karibal. Dahil dito, tiyak na dadaan ang Gilas sa butas ng karayom upang makalusot sa mga kalaban.
Sa ganitong katayuan, malaki ang maitutulong ng mga tagahanga.
“We know you’re the greatest fan base in the world when it comes to international basketball,” pahayag ni Baldwin.
“I can’t reiterate this enough, but please come support your team,” aniya. (marivic awitan)