SA lahat ng misa simula nitong Hunyo 21 hanggang sa Hunyo 29, binabasa ang isang panalangin upang hilingin sa Diyos na basbasan ang mga pinuno ng bansa ng “tunay na pagmamahal sa maralita”, nang may “masidhing pagtataguyod sa katotohanan”, nang may “katapatan sa pagiging mapagbigay at simpleng pamumuhay”, nang may “diwa ng mala-bayaning pagsasakripisyo”, at tunay na paggalang sa buhay ng tao at matinding pagtutol sa “kultura ng pamamaslang”.
Si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang nagpalabas ng “oratio imperata” o “mandatory prayer”, na nakasaad din sa isang pastoral letter na binabasa sa mga simbahan sa buong bansa sa siyam na magkakasunod na araw bago sumapit ang Hunyo 30, kung kailan maluluklok sa puwesto ang mga bagong opisyal ng bansa, sa pangunguna ni President-elect Duterte.
Ang pananalangin para sa biyaya ng Diyos ang karaniwan nang inuulit-ulit sa mga isinusulong na ideyalismo at sinusunod ng mga pinuno kahit saan—katotohanan, pagmamahal sa maralita, pagiging mapagbigay, at pagsasakripisyo. Gayunman, ang panawagan para sa pagrespeto sa buhay ng tao ay malinaw na ipinaaabot para sa maluluklok na pangulo, na sa nakalipas na mga linggo ay nagdeklara ng determinasyong tuldukan ang kriminalidad, partikular ang pagkalat ng ilegal na droga, at umapela sa mga sibilyan na may kani-kanyang baril na tugisin ang mga drug lord at barilin kung papalag. Naghayag din ang susunod na hepe ng Philippine National Police ng pagbubuo ng grupo na tatawaging “Police Avengers” na tututok sa mga drug lord na nasa loob ng New Bilibid Prison.
Hindi pa man pormal na nakauupo sa puwesto ang bagong administrasyon sa Hunyo 30 ngunit kakatwang marami nang pinaghihinalaang sangkot sa ilegal na droga ang binaril at napatay sa iba’t ibang panig ng bansa. Sa huling bilang, 58 na ang napatay, kaya naman nagsuspetsa ang iba na nagpapakitang-gilas lamang ang mga opisyal ng pulisya sa ipinalalagay nilang nais ng papasok na administrasyon. O maaari rin namang pinatatahimik nila ang mga operasyon ng droga na dati nilang kinukunsinti, sa pangambang tumestigo ang mga ito laban sa mga opisyal na dati nitong protektor.
Partikular na tinututulan ng Simbahan ang inihayag na hakbangin ng papasok na administrasyon na buhaying muli ang parusang kamatayan para sa matitinding krimen at ilegal na droga, at ibibigti ang maparurusahan sa halip na isailalim sa lethal injection na huling paraan ng death penalty na ipinatupad sa bansa. Naninindigan ang Simbahan sa prinsipyo nito sa moralidad at relihiyon—na tanging ang Diyos lamang ang maaaring magbigay-tuldok sa buhay. Ang malawakang impluwensiya nito sa bansa ay nagbunsod upang ipatigil ang parusang kamatayan noong panahon ni Cory Aquino at muli, sa ilalim ng administrasyong Estrada, bilang paggunita sa “Jubilee Year” ng Simbahang Katoliko.
Matapos na ideklara ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang polisiya ng pananahimik—“ang pananahimik ni Hesus bilang katapat ng pagiging arogante ni Pilato”—tumanggi ang Simbahan na direktang maghayag ng opinyon at saloobin nito laban kay President-elect Duterte. Ngunit ang “oratio imperata”, bagamat hindi nagbanggit ng mga pangalan at wala ring opisyal na planong inihayag, ay walang dudang isang deklarasyon ng pagtutol sa sunud-sunod na pagpatay at sa panawagang muling buhayin ang parusang kamatayan.