LIKAS na sa ating mga Pilipino, ano mang relihiyon ang kinabibilangan, ang pagdarasal. Nagpapasalamat at humihingi ng patnubay sa Poong Maykapal sa kanilang paglalakbay at sa pang-araw-araw na gawain. Ang Simbahang Katoliko ay isang lantay na halimbawa. May mga kaukulang dasal sa mga ritwal ng Simbahan. Sa pagpaparangal sa mga santo at santa. May dasal din sa panahon ng nobena hanggang sa pagdiriwang ng kapistahan ng mga patron saint. May kasama pang awit-papuri sa patron saint/patroness na kanilang tagapamagitan sa Dakilang Lumikha.

Bukod sa mga nabanggit, may mga dasal din sa pagbibinyag, sa kumpil, sa kasal, at maging sa mga patay. At higit sa lahat, may mga panalangin sa Eukaristiya o Banal na Misa na itinuturing na pinakasentro ng pananampalataya ng Iglesia Katolika.

Matatandaan na matapos salantain ng bagyong Ondoy noong Setyembre 2009 ang Metro Manila at karatig lalawigan, ang Simbahang Katoliko, particular na ang Archdiocese ng Maynila, Diocese ng Antipolo, at ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), ay naglabas ng Oratio Imperata o mandatory prayer para sa kaligtasan sa mga bagyo at kalamidad. Iniutos na dasalin sa mga parokya. Ang Oratio Imperata ay dinarasal matapos ang communion sa misa at bago ibigay ang fiinal blessing. Ganito ang bahagi ng Oratio Imperata: “Makapangyaring Ama, inaamin namin at pinagsisisihan ang aming mga sala laban sa iyo at sa sanlibutan. Hindi kami naging mabubuting tagapangalaga ng kalikasan, nalito ang aming isip sa pagtupad sa iyong utos na “hubugin” ang mundo. Ang buong kapaligiran ay nagdurusa sa aming mga kamalian. “

“At ngayo’y inaani namin ang bunga ng aming pagmamalabis at kawalang-malasakit. Nararamdaman na ng mundo ang matinding pagbabagu-bago ng panahon (climate change) mga bagyo, malalakas na ulan, baha, tagtuyot, pagsabog ng bulkan at iba pang likas na sakuna. Na parami nang parami, patindi nang patindi ang dating. Lumuluhod kami sa iyo o, Ama at humihingi ng tawad sa aming mga sala. Dumudulog kami na ang aming mga mahal sa buhay ay mangaligtas sa banta ng kalamidad-likas man o gawang-tao.”

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ang Oratio Imperata ay hindi lamang para sa bagyo at kalamidad. Naglabas kamakailan ng Oratio Imperata si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle para sa mga opisyal ng pamahalaan ilang araw bago ang pagpapalit ng liderato ng bansa sa Hunyo 30. Sinimulan ang Oratio Imperata nitong Hunyo 21 sa mga misa sa mga simbahang sakop ng Archdiocese ng Mayniila. Matatapos sa Hunyo 29 na bisperas ng panunumpa sa tungkulin nina incoming President Rodrigo Duterte at Vice President Leni Robredo. Nakasaad sa dasal na tanggihan ang kultura ng pagpatay sa bansa at ang plano ni Duterte na buhayin ang death penalty sa mga taong sangkot sa mga karumal-dumal na krimen na tinututulan ng Simbahang Katoliko. Hinihiling din sa dasal na basbasan ang mga lider ng bansa at magkaroon ng paggalang sa buhay ng tao. Ang Oratio Imperata ay alinsunod sa panukala ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP).

(Clemen Bautista)