KAPANALIG, karamihan sa mga bansang progresibo ay may masiglang manufacturing sector. Sa ating bansa, ang sektor na ito ay buhay na buhay, ngunit marami pa rin ang hindi makaunawa sa sector na ito at ano nga ba ang nagagawa nito para sa ating bayan.

Sa simpleng kahulugan, ang manufacturing sector ay bahagi ng ating lipunan na lumilikha ng mga produkto na ginagamit natin sa iba’t ibang paraan at pagkakataon. Ayon sa Department of Trade and Industry (DTI), binubuo ng manufacturing ang sobra pa sa kalahati ng industry sector ng ating bansa.

Halos one fourth din ng ating GDP ay nagmumula sa sektor na ito. Kapanalig, ang sektor na ito ay kinabubuhay din ng maraming Pilipino. Bagamat ang employment contribution ng sektor ay bumababa (nasa 8% ito noong 2014), lumalago pa rin ang sector, 5.4% lamang ang growth rate nito noong 2012 at pagsapit ng 2014, naging 8.1% na ito. Ang semiconductors at electronics industry ang pinakamalaking contributor ng manufacturing sector. Dito, may 2.2 milyong trabahador. Noong 2013, 41% ng ating exports ay nanggaling dito.

Ang estado ng ating manufacturing sector ay isang malaking oportunidad tungo sa kaunlaran hindi lamang para sa mamumuhunan, kundi sa mga manggagawang Pilipino rin. Paano ba natin mapapangalagaan ang sektor na ito upang mas maraming tao pa ang makaramdam ng ganansyang dulot ng manufacturing?

Isang paraan ay ang pagtutok sa kapakanan ng manggagawa. Ang manufacturing sector ay masigla dahil sa kasiglahan din ng manggagawa nito. Kailangan matingnan kung paano pa maitataguyod hindi lamang ang kasiguruhan sa trabaho, ngunit ang career growth din ng manggagawa. Ang kakahayahan ng manggagawa ay dapat mapalawig, gawing mas propesyunal, at bigyang ng kaukulang kasanayan at scholarship. Sa ganitong paraan, patuloy ang de-kalidad na trabaho at mas magiging makubuluhan ang kontribusyon ng mga manggagawa. Hindi lamang sila magiging kamay na gagalaw para sa produksiyon. Sila ay magkakaroon ng pagkakataon na tunay na makilahok sa kanilang kumpanya pati na rin sa lipunan. Ang mga manggagawa ay haligi ng ating lipunan. Dahil sa kanilang taglay na galing, ang sektor ng manufacturing ay namamayagpag sa ating bansa. Sabay ng insentibo sa mga mamumuhunan, kailangan din ng insentibo at motibasyon para sa ating mga manggagawa.

Para sa Simbahan, ang mga manggagawa ay mahalaga. Ang Rerum Novarum, isang encyclical mula kay Pope Leo XIII ay nagpapaalala sa atin ng “priceless” na bahagi ng manggagawa sa lipunan at kung paano natin sila mabibigyan ng halaga:

“The labor of the working class – the exercise of their skill, and the employment of their strength, in the cultivation of the land, and in the workshops of trade – is especially responsible and quite indispensable. Their co-operation is so important that it may be truly said that it is only by the labor of working men that States grow rich. Justice, therefore, demands that the interests of the working classes should be carefully watched over by the administration, so that they who contribute so largely to the advantage of the community may themselves share in the benefits which they create.”

Sumainyo ang katotohanan! (Fr. Anton Pascual)