APAT na araw na lang at bago na ang presidente ng Pilipinas. Mula kay PNoy, papasok si Mayor Duterte. Paalam, “Tuwid na Daan”, welcome President Rodrigo Roa Duterte (RRD). Lipulin mo ang illegal drugs, itumba ang mga kriminal na salot sa lipunan. Mula noong Mayo 9, nang malaman na si Mang Rody ang nanalo, nagsimula na ang laban ng awtoridad sa mga drug pusher, user. Habang sinusulat ko ito, sinabi ng Philippine National Police (PNP) na mahigit na sa 50 katao ang napatay na umano’y sangkot sa bawal na gamot.

Alam pala ng mga pulis at ng mga pinuno ng barangay sa buong bansa kung sinu-sino ang drug addicts, pushers sa kani-kanilang mga lugar, eh, bakit hinintay pang mahalal si Mayor Digong bilang pangulo upang umpisahan ang paglipol sa mga salot sa lipunan? Sabi nga ng isang broadcast journalist, may hinalang ang pinapatay na mga drug pusher/user ay baka iyong mga asset nila na posibleng “tumuga” o magsalita laban sa mga PNP officer na mga protector ng illegal drugs.

Nagbabala ang Simbahang Katoliko (hindi katolika) tungkol sa pag-iral umano ng “Kultura ng Kamatayan” (Culture of Death) bunsod ng sunud-sunod na pagpatay sa pinaghihinalaang drug pushers/users at iba pang tao. Hindi pa nakakaupo si President-elect Duterte ay katakut-takot na patayan na ang nagaganap sa maraming parte ng ‘Pinas. Ito ba ay pagpapasiklab ng mga tauhan ng PNP kay RRD o tulad ng sinabi ng broadcaster kong kaibigan, ay baka unti-unting nililikida ng tiwaling PNP officers ang kanilang mga “asset” dahil baka ibulgar na sila mismo ang illegal drugs protectors at kumikita ng limpak-limpak na drug money?

Isang kaibigan ko sa kapihan ang nagtatanong at nagtataka kung bakit sa dinami-rami ng napapatay na drug addicts, pushers, ay wala man lang isang big-time drug lord/trafficker ang nadadakip o napapatay. Karamihan daw sa napapatay ay iyong “small indians” lamang o ordinaryong pushers, users. Itanong ito sa mga bituin o kaya’y sa buwan.

Nag-isyu si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ng isang Oratio Imperata para sa bagong mga lider ng bansa, partikular kay President Rody, na igalang ang kahalagahan ng buhay ng bawat nilalang. Hindi umano dapat kumitil ng buhay nang dahil lamang sa hinala. Kailangan ang pantay na pagtrato sa batas, mahirap o mayaman, kriminal o disenteng tao.

Ang Oratio Imperata ay dadasalin ng mga mananampalataya hanggang Hunyo 29, bisperas ng inagurasyon ng ika-16 Pangulo ng Republika ng Pilipinas. Layunin din ng dasal na maghari ang katarungan sa bansa, maayos, tama at angkop na pangangasiwa sa bayan. Maisulong at mapanatili ang katahimikan at kaayusan, matamo ang adhikaing kapayapaan sa Mindanao, umunlad ang buhay ng 100 milyong Pilipino sa naghihirap at nagdurusang Pilipinas. Siya nawa!

(Bert de Guzman)