”NGAYON ko lang naranasan ang ganitong pag-akyat. ’Di ito biro! At ginagawa nila ito araw araw.”
Ito ang sabi ng host ng Aha! na si Drew Arellano tungkol sa pagbisita niya sa isang komunidad sa Bukidnon para alamin kung anong hirap ang inaabot ng mga estudyanteng nakatira sa malalayo at liblib na lugar para magkaroon ng maayos na edukasyon.
Sa unang araw ng pasukan, sinamahan ng soon-to-be-daddy host ang mga batang tumatawid sa delikadong ilog ng Cagayan de Oro gamit ang isang balsa at umaakyat ng matarik na bundok bago makarating sa kanilang pampublikong eskuwelahan.
Anu-ano ang mga pang-araw-araw na pakikipagsapalaran at peligro na nakaabang sa mga bata? Paano kaya nagtutulungan ang kanilang mga magulang at komunidad para suportahan ang masidhing hangarin ng kanilang mga anak upang makapag-aral? Ano kaya ang simpleng suporta na maibibigay ng Aha! para sa kanila?
Sa 6th anniversary special episode ng Aha!, samahan si Drew sa pag-alam sa kahanga-hangang kuwento ng mga batang humaharap sa mahihirap na pagsubok makamit lamang ang edukasyon na inaasam-asam na kung tutuusin ay karapatan namang talaga ng lahat ng mga bata.
Abangan ang natatanging ulat na ito ni Drew ngayong Linggo sa Aha!, 8:15 AM sa GMA-7.