BUTUAN CITY – Isang pitong taong gulang na babae ang napatay matapos na salakayin ng hindi natukoy na bilang ng mga rebelde ang isang komunidad sa Barangay Payapag sa bayan ng Bacuag, Surigao del Norte.
Kinilala ni First Lieutenant Karl Jan S. Devaras, hepe ng Public Information Office (PIO) ng 4th Civil-Military Operations (Kasaligan) Battallion (4th CMOB) ang nasawing paslit na si Cristel Mae Aguilar, na residente sa lugar.
“Tulog na ang biktima sa pagkakahiga sa kama nang tamaan siya ng bala mula sa grupo ng bandido,” sabi ni Devaras.
Nangyari ang pag-atake sa Bgy. Payapag nitong Hunyo 23 ng gabi, aniya.
Sinabi ni Devaras na nagawa ng Peace and Development Team (PDT) ng 30th Infantry (Python) Battalion na nagkataong nasa lugar na maidepensa ang komunidad, kaya agad ding nagsiurong ang mga rebelde at nagtungo sa kabundukan.
“Pagkatapos umalis ng mga bandido, agad na na-secure ng PDT ng 30th IB ang komunidad ay nadiskubre roon ang ilang basyong bala ng AK-47 at M16 A1 assault rifles mula sa posisyon ng mga rebelde,” ayon kay Devaras.
Aniya, humingi ng saklolo sa PDT ang mga magulang ni Aguilar kaya agad na nadala sa ospital ang bata ngunit namatay din ito.
Kaugnay nito, mariin namang kinondena ni Lt. Col. Rico Amaro, commanding officer ng 30th IB na nakabase sa Bgy. Bad-as, Placer, ang insidente na nagbunsod sa pagkamatay ng isang inosenteng bata.
“We are saddened and vehemently condemn the attack of this communist bandit group to the innocent civilians there,” ani Amaro. “I appeal to this lawless communist bandit group to put an end to their terroristic activities and stop subjecting innocent civilians as targets.” (MIKE U. CRISMUNDO)