Umani ng papuri mula sa mga obispo ng Simbahang Katoliko ang simpleng inagurasyon ni President-elect Rodrigo Duterte na idaraos sa Rizal Ceremonial Hall ng Malacañang sa Huwebes.

Ayon kay Cubao Bishop Honesto Ongtioco, napakagandang mensahe ang ipinararating nito sa mamamayang Pilipino, sinabing napakahalaga ang pagiging simple sa pang-araw-araw na pamumuhay.

Paliwanag niya, ang pagiging simple sa lahat ng bagay ay napakagandang ugali na dapat isabuhay ng mga Pilipino.

“I am happy about the simple inauguration. We need to be simple even in our way of life. Simplicity, an important value that we have to promote,” sinabi ni Ongtioco sa panayam ng Radio Veritas.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Samantala, itinuturing naman ni Boac Bishop Antonio Maralit na magandang halimbawa sa mamamayan ang pagiging simple ng bagong presidente ng bansa.

Ito rin, ayon kay Maralit, ay “a good start to support his concrete message that change is coming.”

Umaapela naman ang obispo sa mamamayang Pilipino na ipanalangin si Duterte at mga makakasama niyang mamahala sa bansa upang ganap nilang maisagawa ang kani-kanilang tungkulin para sa isang tunay na pagbabago sa bansa.

Sa panig naman ni Apostolic Vicariate of Puerto Princesa Palawan Bishop Pedro Arigo, sinabi niyang ang kasimplehan ni Duterte “fosters solidarity with the poor.”

Iginiit ni Arigo na nararapat lamang umiwas sa magarbong paggastos ang gobyerno upang maging makatarungan sa milyun-milyong nagugutom na Pilipino.

Umaasa naman ang Obispo na mababawasan kung hindi man tuluyang maaalis at maparurusahan ang mga corrupt na opisyal sa bansa.

Una nang inihayag ng transition team ni Duterte na ang inagurasyon sa Huwebes ay magiging maikli at simple, at nasa 600 lamang ang imbitadong dumalo. (MARY ANN SANTIAGO)