Walang balak si Director General Ricardo Marquez, outgoing chief ng Philippine National Police (PNP), na salungatin ang diskarte ng susunod na hepe ng PNP na si Chief Supt. Ronald “Bato” dela Rosa sa pagsugpo sa kriminalidad, lalo na sa ilegal na droga.

“There’s a saying that different folks for different strokes,” pahayag ni Marquez sa Camp Crame, Quezon City.

Ayon kay Marquez, dama niya ang determinasyon ni Dela Rosa sa pagresolba sa talamak na problema sa illegal drugs sa bansa gamit ang sarili nitong estratehiya.

“Every PNP chief has its own focus and priorities. I have had mine so it is not for me to make a comment on the things that is happening and will be happening in the PNP,” giit ni Marquez.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Ito ay bilang reaksiyon ni Marquez sa mga pahayag ni Dela Rosa na uubusin niya ang mga leader ng sindikato ng droga sa bansa, tulad ng ipinangako sa taumbayan ni incoming President Rodrigo Duterte.

Isang miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Class 1982, magtatapos ang panunungkulan ni Marquez bilang hepe ng PNP sa Hunyo 30 upang bigyang-daan ang pag-upo ni Dela Rosa.

Nakatakda ring magretiro sa serbisyo si Marquez sa kanyang ika-56 na kaarawan sa Agosto 2016.

Aminado si Marquez na nakausap na niya si Dela Rosa kamakailan upang bigyan ng ilang tip sa epektibong pamumuno sa PNP.

“I told him to be the father of the organization because he can never go wrong in his decisions if he do so,” ani Marquez, na kilalang “reformist” sa hanay ng pulisya. (Aaron Recuenco)